Siguro nga, sa lahat ng mga nanay ng mga artistang nakilala namin, masasabi naming naging pinaka-malapit sa amin si Mama Santos (Milagros Santos), ang nanay ng Star for All Seasons na si Vilma Santos. May panahong nagtayo siya ng isang maliit na canteen doon sa tabi ng studio ng IBC 13 noong araw, at madalas na doon kami umiistambay kung napupunta kami roon.
Hindi lang masarap magluto si Mama, marami pa siyang kuwento na kapupulutan mo naman ng mga leksiyon sa buhay. Simple lang si Mama, hindi niya iniisip na noon ay may dalawa siyang anak na sikat na sikat. Itinuturing na pinaka-malaking star noon si Ate Vi, at fast rising young female star naman si Winnie. Pero si Mama, simple pa rin ang buhay.
Madalas sabihin noon ni Mama, “ang pangarap ko lang mabigyan ng magandang buhay ang mga anak ko. Alam mo naman kung ano ang trabaho ko noon. Maganda rin naman ang trabaho ni Papa. Pero naging mga artista nga sila eh, at gusto nila. Wala kaming magagawa kung ‘di sumuporta,” madalas niyang sabihin.
Noong araw, si Mama ay store manager ng Aguinaldo’s, ang pinaka-malaking department store sa Maynila, at iyon ang pinaka-class noong panahong iyon. Si Papa, o Amado Santos, naman ay nagtatrabaho noon sa GSIS, at sinasabi nga nilang “sapat naman ang kinikita para sa lahat ng kailangan ng mga bata.”.
Actually isang pinsan ni Mama na noon ay nagta-trabaho sa Sampaguita Pictures ang kumumbinsi sa kanila na dalhin si Ate Vi sa studio para mag-audition sa isang pelikula. Nakuha naman siya agad sa pelikulang Anak ang Iyong Ina, pero bago nagsimula ang shooting, aksidente siyang nadaan sa isa pang audition, sinubukan din siya at nakuha sa title role ng Trudis Liit, na naging isang malaking hit at kung saan nanalo agad si Ate Vi bilang best child actress.
Simula noon, nabuhos na ang buong panahon ni Mama sa paggabay kay Ate Vi.
Kagaya rin ng ibang showbiz mothers, si Mama Santos ay hindi rin nakaligtas sa paninira ng ibang mga tao. Noong panahong iyon pati magulang ng artista sinisiraan eh. Pero hindi pinatulan ni Mama ang alin man sa mga iyon, ang katuwiran niya alam niya kung ano ang kanyang ginagawa, at alam ng mga anak niya kung anong lahat ang nangyayari.
Huli naming nakakuwentuhan si Mama nang makita namin siya sa isang mall sa Lipa City. May show noon si Kuya Germs doon, at napadaan naman sina Mama at Ate Emelyn. Malakas na malakas pa si Mama noon, nakipagkuwentuhan pa. Bago kami nagkahiwalay ang bilin pa niya, “dumaan ka minsan sa bahay, ipagluluto kita ng Arroz ala Cubana.” Iyon kasi ang paborito naming kainin noon sa canteen niya.
Tapos dahil na rin sa katandaan, nagsimula na siyang manghina at magkasakit. Nagkaroon siya ng Alzheimer’s disease. Nagkaroon ng iba’t ibang kumplikasyon. Naglabas-pasok na siya sa ospital, at iyon ang dahilan kung bakit nanatili na rin siya sa Lipa, kasi doon sariwa ang hangin, at higit sa lahat malapit sa doctor na tumitingin sa kanya, at malapit din sa ospital.
Nagulat na lang kami nang marinig naming pumanaw na nga siya noong Lunes ng tanghali sa edad na 93. Sa Loyola Memorial Chapels ang magiging burol simula sa Miyerkules, Abril 3.
Wala pang ibang plano dahil hindi pa nila alam kung makakauwi nga ba sina Winnie at Tess na parehong nasa US.
Malaking dagok pa rin kay Ate Vi ang pagkamatay ni Mama, kahit na sinasabing baka mabuti na rin naman para makapagpahinga na siya. Pero si Mama ay nananatiling isang inspirasyon kay Ate Vi dahil sa ugali noong gawing mahusay ang anumang trabahong kailangang gawin, at huwag iaasa ang trabaho kanino man.
Naging isang mabuting ina si Mama sa kanyang mga anak. Talagang ipinakita niya sa kanila kung papaano dapat ang gawing pangangalaga ng isang ina, na ginagawa naman nila ngayon sa kanilang mga anak.