Z Pop sikat na sa Korea
Sa totoo lang, natuwa kami sa Z Pop dream project na ini-launch kamakailan lang dito sa Pilipinas. “Z” dahil ang mga kasali ay kabilang sa tinatawag na “Z generation”, ibig sabihin, mga kabataang ipinanganak pagkatapos ng 1995. Mga bagets talaga sila. Ang maganda pa sa kanilang proyekto, ang iniaangat nila ay ang buong Asya, hindi mga Koreano lamang. In fact wala silang kinuhang artists mula sa Korea.
Tama iyong sinasabi nila eh, sikat na ang mga Koreano, pero hindi naman nangangahulugan na sila lang ang puwedeng sumikat. Puwede rin sa ibang bansa, kaya nga inikot nila ang pitong bansa sa Asya, kumuha sila ng isang lalaki at isang babae sa bawat bansa at iyon nga ang bumuo ng Z Boys at Z Girls nila.
Naging dibdiban ang training na ginawa sa Korea. Iyong kanilang unang concert ay ginawa rin sa Seoul, at naging hit iyon. Sinuportahan sila ng ilang Korean stars, kabilang na ang sikat na si Rain. Ngayon ang all Asian group na iyan ay sikat na sa Korea mismo, at umiikot na sila sa ibang bansa sa Asya para dito naman maipakilala ang kanilang grupo at ang kanilang mga kanta.
May dalawang Pilipino sa kanilang grupo. Mula sa mahigit na dalawandaang talents na nag-audition para makasali sa grupo, na isinagawa naman dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng Viva Entertainment, nakuha nila ang isang dating member ng Pop Girls na si Carlyn Ocampo. Nakuha rin nila ang isang dating member ng G Force, si Josh Bautista. Kasama ang ibang mga napili mula sa ibang bansa, ilang buwan din silang nagsanay sa Korea.
Ang nagtuturo sa kanila ay mga respetadong artists sa Korea, pati mga choreographer na mahuhusay doon. Lampas sampung oras daw isang araw ang training, at talagang dibdiban, dahil kailangan na nga silang iharap sa isang malaking concert sa taong ito, na nangyari na nga noong February sa Seoul.
Ngayon ay narito sila sa Pilipinas, para mapanood naman natin nang live ang kanilang mga performances, at libre lang ginawa iyan sa ilang malls. Iyong kanta ng Z Pop Boys ay ang No Limits, habang ang sa girls naman ay ang What You Waiting For.
Kung kami ang tatanungin, mas dapat suportahan natin ‘yang Z Boys at Z Girls, dahil diyan ay kabilang tayong mga Pilipino, hindi iyong puro Koreano lang silang hindi mo maintindihan.
Migo nakabawas sa mga malalaking kaso
May usapan na “mukhang naareglo” raw ang mga kaso ni Migo Adecer, matapos na siya ay makapagpiyansa noong isang araw. Sabihin nating naareglo nga, pero hindi masama iyong areglo. Ang ginawa nila, pinanagutan ang nadisgrasya sa mga biktima, kaya pumayag naman ang mga iyon na iurong na ang kanilang demanda. Ayaw na nila ng kaso.
Nag-apologize siya sa mga pulis, gumawa pa sila ng public apology na tinanggap din naman. Siguro magbabayad na lang siya doon sa naurungan niyang mobile.
Legally ang tawag diyan ay “amicable settlement out of court”. Iyong mga korte natin, nakatambak na ang mga kaso dahil sa mga petty crime. Dahil diyan naapektuhan din ang mas malalaking kaso na dapat magawan agad ng desisyon. Kung may maaari namang magkasundo sa labas ng korte, makakabawas iyon sa problema. Nade-decongest kasi ang mga hukuman sa mga kasong maaari namang pag-usapan nang maayos nang sila-sila lang.
Kagaya noong kaso ni Migo, dumaan man sa korte iyan pagbabayarin lang din siya sa mga nasaktan at nasira niya, handa naman siyang magbayad eh di pag-usapan na lang nila, hindi pa sila naistorbo.
- Latest