Hindi rin siguro inasahan ni Ronnie Ricketts na ganoon ang kalalabasan ng kanyang kaso sa Sandiganbayan, hinihiling pa kasi ng abogado niya na magbigay kahit na isang araw na hearing lang, gagawin nilang testigo mismo si Ronnie at sinasabi nilang naniniwala sila na ang testimonya ng dating chairman ng Optical Media Board ang siyang magpapatunay na wala siyang kasalanan.
Pero iginiit ng prosecution na napakahabang panahon na ang naibigay at noon pa sana ay nagawa nilang tumestigo si Ronnie, kaya wala nang dahilan kundi ibaba ng hukuman ang hatol. Kinatigan ng hukuman ang prosecution kaya binasahan na ng hatol si Ronnie sa isinampang kasong graft laban sa kanya.
Nag-ugat iyan sa isang kaso noong 2010 kung saan ang OMB ay gumawa ng raid sa Quiapo at nakakumpiska ng mga video disc ng pirated movies at iba pa. Kinagabihan, nabawing muli ng mga nahulihan ang mga illegal na CDs, kinuha nila iyon sa opisina mismo ng OMB, at sinasabi ng mga saksi na si Ronnie mismo ang nagbigay pahintulot na makuha ang mga iyon, nang walang kaukulang papeles.
Dahil doon, ang actor, kasama ng dating hepe ng Enforcement and Inspection Division ng OMB na si Glenn Perez ay hinatulan sa kasong graft, at binigyan ng parusang anim hanggang walong taong pagkakakulong.
Ganoon pa man, maaari pang iapela ang hatol na iyon ng Sandiganbayan laban sa kanila kaya sila ay pinayagang maglagak ng dagdag na piyansang 30 libong piso bawa’t isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan habang hinihintay ang resulta ng paghahabol nila sa korte. Ang paglalagak ng dagdag na piyansa ay pinayagan ni division chairman Justice Alex Quiroz. Ang naging ponente naman ng hatol sa kanila ay si Associate Justice Bayani Jacinto. Binigyan si Ronnie nang hanggang bukas, Lunes, para maglagak ng dagdag na piyansa kung siya ay maghaharap pa ng motion for reconsideration. Pagkatapos noon maaari pa siyang umapela sa Court of Appeals.
Tumanggi na si Ronnie na magbigay ng anumang comment sa naging hatol sa kanya. Kasama niya ang kanyang asawang si Mariz nang basahan ng hatol ng korte. Lumalabas na si Ronnie rin ang kauna-unahang opisyal ng Optical Media Board na nasabit sa kasong ganyan.
Subic Mayor kinasuhan na!
Pumalag ang jowa ng aktres na si Aiko Melendez, ang mayor ng Subic na si Jay Khonghun, sa pagkakasama sa kanya sa listahan ng mga narco politicians na binasa ni Presidente Digong noong isang araw. Sinabi niya na iyon ay paninirang political.
Pero sinabi rin naman ng boyfriend ni Aiko na haharapin niya iyon sa korte para mapatunayan once and for all na siya ay inosente sa nasabing bintang.
Bago binasa ni Presidente Digong Duterte ang listahan, ang mga opisyal ay sinampahan na ng kaso ng DILG sa Ombudsman. Sa parte naman ni Aiko, sinabi niyang hindi siya naniniwalang sangkot nga sa droga ang kanyang boyfriend, at kaya noong patunayan sa tamang forum na wala siyang kasalanan.
Aktres na nalaos na, hindi pinatos ng pinaglawayang aktor
Nag-throwback ng kuwento ang kasama naming si Ronald Lerum kahit na hindi naman Thursday kung hindi Friday na noong magkasama kami.
Ipinaalala lang niya, minsan ngitngit na ngitngit ang isang female star na laos na ngayon, nang hindi siya patulan ng isang sikat na sexy male star noon, kahit na halos magpumilit siya. Tapos nalaman niya na ang naging syota noon at naka-live in pa ay isang magandang aktres na dating child star.