Matinee idol ginamit sa bagoong, Sunshine umalma sa panggagamit ng beauty clinic!

Talagang binisto ni Sunshine Cruz ang isang derma clinic na gumamit ng kanyang pictures na akala mo siya ang endorser nila nang hindi niya alam. Natural lang na magre-react si Sunshine dahil unfair naman iyon sa mga tunay na doctor na nangangalaga sa kanyang kutis. Unfair din iyon sa make up line na ineendorso rin niya.

 

Ewan kung bakit may mga tao ngang akala nila basta magagamit nila ang pictures ng mga artista nang ganoon lang. Siguro akala rin nila hindi mapapansin iyon ng mga celebrity mismo na gina­gamit nila at walang magrereklamo.

Kaso mapansin man iyon, kanino nga ba mag­rereklamo ang mga artista eh ni hindi nila alam kung ano nga ba ang address at kung sino ang may ari ng mga kumpanyang gumamit ng kanilang pictures, kasi sa social media lang naman lumabas iyon.

May isa pa nga kaming nakitang nakakatawa eh. Iyong picture ng isang actor ay madalas naming makita. Ginamit iyon sa isa niyang endorsement ng peanut butter noong araw. Minsan nakita namin ang kaparehong picture sa isang poster ng isang supermarket, pero ang hawak niya ay hindi na bote ng peanut butter kundi bote ng bagoong. Maliwa­nag sa amin na edited nga ang picture at ang bote ay pinalitan ng label. Nagagawa na iyan ngayon. Computer generated imaging ang tawag diyan.

Ewan kung bakit nga ba may mga tao na ayaw lumaban nang parehas. Kung hindi nila kayang magbayad ng artista eh di kumuha sila ng ibang tao para mag-endorso ng kanilang mga produkto. Hindi iyong ginagamit nila ang picture ng ibang tao nang walang pahintulot.

Maniniwala ka ba na basta ipagkakatiwala ni Sunshine Cruz ang pangangalaga sa kanyang kutis sa mga taong ni hindi niya kilala? Maniniwala rin ba kayong ang isang sikat na matinee idol ay endorser ng bagoong?

John Lloyd mas kuntento na sa simpleng buhay kasama si Ellen

Talagang marami pa rin ang hinayang na hinayang sa desisyon ni John Lloyd Cruz na itigil ang kanyang pag-aartista. Kaya nga basta may nakita silang pagkakataon na makunan ng picture si John Lloyd, na hindi naman maikakailang mas pogi pa nga yata noong mag-mature, sinasabi nilang sayang dahil tumigil siya sa kanyang career sa panahong sikat na sikat siya.

Minsan talaga sa tao, dumarating din iyong nagsasawa ka na sa ginagawa mo at gusto mo namang subukan ang ibang klase ng buhay. Iyon ang gustong mang­yari ni John Lloyd, iyong ma­ging normal ang buhay nila bilang mag-asawa ni Ellen Adarna kahit na hindi pa naman sinasabing nagpakasal na sila, at kasama nila ang kanilang anak.

Gusto niya iyon eh, bakit ninyo pinakikialaman?

Angel walang balak mag-asawa?!

Hindi na nga siguro magtatagal, at mababalitaan nating magpapakasal na ang football player na si Phil Younghusband, na minsan ay naugnay din sa aktres na si Angel Locsin, sa kanyang girlfriend na si Margaret Hall. Usap-usapan na ngayon ang balak nilang pagpapakasal very soon.

Samantala, si Angel naman ay mukhang wala pang balak lumagay sa tahimik. Pagkatapos ng relasyon nila ni Phil, nagkabalikan sila ni Luis Manzano, nag-split at ngayon naman ay karelasyon si Neil Arce pero mukhang wala pa ring balak na mag-asawa talaga.

Kailan nga kaya mag-aasawa si Angel?

Show comments