Mowelfund mas inuuna ang paggawa ng shortfilms kesa sa mga nangangailangan sa showbiz

Natatandaan pa namin nang itayo ang Mowelfund noong 1974, ang ideya ni Mayor Joseph Estrada, na noon ay mayor pa ng San Juan ay magkaroon ng isang foundation na tutulong sa mga manggagawa sa film industry, lalo na sa mga nagkakasakit at namamatay.

Noon kasing panahong iyon, wala pang SSS ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula, at kahit na noon, basta may magkasakit tiyak ipanghihingi lalo na iyong mga maliliit na manggagawa.

Kaya nga ang ideya noon, huwag nang hintaying manghingi pa sila sa mga kasama nila, kung hindi tulungan sila ng foundation na iyan na ang pangunahing layunin ay welfare ng mga manggagawa. Sinuportahan iyan maging ni Secretary Guillermo de Vega na noon ay siyang hepe ng Board of Censors for Motion Pictures.

Natatandaan namin nagkaroon iyan ng isang malaking launching kung saan dumalo pati ang hari ng pelikula na si Fernando Poe Jr. na agad nagbigay ng malaking halaga para sa foundation.

Noong dumaan ang panahon, nagkaroon na ng ibang sangay iyang Mowelfund. Hindi namin alam kung bakit nagkaroon na sila ng training sa mga gustong matutong gumawa ng pelikula, gumagawa na sila ng shortfilms na napagbubuhusan din ng kanilang maliit na ngang pondo.

Mukhang mas naging interesado roon ang mga nasa Mowelfund kesa sa workers’ welfare, kaya kadalasan wala silang maibigay sa mga nangangailangan, idagdag mo pa ang problema noong lumiit na nga, hindi pa nila makolekta ang parte nila sa kita ng Metro Manila Film Festival.

Naalala lang namin ito dahil sa kuwento tungkol sa male star na si Kristoffer King, na isinugod sa ospital matapos na atakihin sa puso at mabilis ding namatay. Nakaburol na siya ngayon sa isang punerarya riyan sa Libertad, pero hindi pa alam kung kailan siya maililibing. Ayaw pang ibigay ng ospital ang kanyang death certificate dahil hindi mabayaran ang 80 libong singil sa kanya roon.

Kung mabayaran naman daw iyon at makuha ang death certificate, problema naman ang pambayad sa punerarya, at pati bulaklak na ginamit sa burol, utang pa raw.

Umaasa daw iyong pamilya sa tulong na magmumula kay Coco Martin na nilapitan nila, at ganoon din sa ibang mga kasamahan sa industriya. Nasaan na ngayon ang Mowelfund? Baka hindi raw kasali sa Mowelfund si Kristoffer King, pero ibig bang sabihin walang maitutulong? Bakit nga ba nila inuuna ang kanilang film institute na kung tutuusin trabaho dapat ng Film Development Council of the Philippines o iba pang samahan?

Ormoc, idineklarang safest city in the Philippine

Natural lang naman palang magmalaki si Mayor Richard Gomez ng Ormoc. Hindi lamang napiling pinakamalinis na lungsod ang Ormoc ngayon, kasama ng Cotabato City at Puerto Princesa, idineklara ng PNP na ang Ormoc na pinamumumunuan ni Mayor Goma ay “safest city in the Philippines”.

Ibig sabihin, pinaka mababa ang insidente ng krimen sa kanilang lugar, kaya nga ligtas iyon para sa mga mamamayan. Maraming dahilan kaya nangyayari iyan. Hindi lamang dahil sa epektibo ang pulisya kung di nabibigyan ng local na pamahalaan ng pagkakakitaan at pagkaka-abalahan ang mga mamamayan nila kaya wala nang gumagawa ng kalokohan.

In fairness, iyan ay effort din ni Mayor Goma at ng kanyang mga kasama sa local government. Bago naman siya hindi ganyan ang Ormoc, at nabago niya iyon sa loob lamang ng unang tatlong taon niya sa pamumuno ng lunsod.

Kaya nga kung minsan, natatawa na lang kami doon sa mga pulitiko na minemenos ang mga artistang kumakandidato. Mayroon talagang mga artistang masama ang record, pero mayroong kagaya ni Mayor Goma o ni Congresswoman Vilma Santos na walang maibubutas sa serbisyo.

Show comments