Ikinagulat pala at hindi agad naniwala ang actress na si Jo Berry nang sabihing nanalo siyang Most Promising Female Star for Television mula sa 50th Entertainment Awards ng Guilermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF) dahil sa mahusay niyang pagganap bilang si Onay sa primetime telebabad na Onanay ng GMA Network.
“Akala ko po ay binibiro lamang ako nang nagsabi sa akin, until binati na po ako ni Nanay Nora (Aunor) at ni Ms. Cherie (Gil) sa taping namin,” sabi ni Jo.
Wala pang one year sa showbiz si Jo, pero bukod sa Onanay ay napapanood din siyang mag-guest sa ibang shows ng GMA, na nagsimula sa Magpakailanman. At lalo siyang humusay sa Onanay, kasama ang mga icon na sa pag-arte, si Superstar Nora Aunor at ang tinaguriang Primera Contrabida na si Ms. Cherie Gil.
Kaya nga may mga netizen na nagri-request pang i-extend ang Onanay, pero nasa last three weeks na lamang sila at ayon kay Jo, mami-miss niya ang masaya nilang set at ang mga kasama sa serye, tulad ng gumanap na mga anak niya, ang mahuhusay na young actress na sina Mikee Quintos at Kate Valdez, at sina Gardo Versoza, Wendell Ramos at ang director nilang si Gina Alajar.
Kaya naman labis ang pasasalamat niya sa gift na ibinigay sa kanya ni Cherie, ang customized bike. “Kung mortal na magkaaway kami ni Ms. Cherie as Helena sa serye namin, love na love naman niya ako off-camera.”
Ang Onanay ay napapanood gabi-gabi, pagkatapos ng Kara Mia. Ang awards night naman ng 50th Entertainment Awards ay gaganapin sa March 24, sa Star Theater sa Star City, Manila.
Jakbie gagawa muna ng pampalusog
Time out muna ang reel and real sweethearts na sina Barbie Forteza at Jak Roberto sa taping ng kanilang pinag-uusapang Kara Mia para makipag-bonding naman sa nanay nila sa teleserye, si Carmina Villarroel sa morning show nitong Sarap Di Ba? with the twins Mavy and Cassy Legaspi, ngayong tanghali bago ang Eat Bulaga.
Kung paborito ni Barbie na ipagluto siya ng boyfriend ng paborito niyang pagkain, sa show naman ay ipakikita nilang dalawa ang pagluluto ng homemade Granola bars at paggawa ng fresh fruit shake, na nakakatulong sa kanila to have a fit body.
Nagpasalamat din sina Barbie at Jak sa mga netizens na sumubaybay sa kanila sa Kara Mia pagkatapos ng 24 Oras.