Ate Vi hindi naniniwalang patay na ang industriya ng pelikula
Maganda ang opinion ni Congresswoman Vilma Santos sa pagbagsak ng pelikulang Pilipino.
“Hindi naman siguro masasabing bagsak na bagsak ang industriya. Hindi dahil may panahong walang kumitang pelikula bagsak na. Nangyayari rin naman iyan kahit na noong araw pa. Pero kahit na noon, sinasabi nga nila na ang malakas talaga ay iyong formula movie. Halimbawa sa akin, ang gusto nila drama love story lagi. Basta ganun ang pelikula ko siguradong malaking hit iyan. Pero bilang artista, hindi naman puwedeng laging ganun. Gumagawa ka rin ng tinatawag namin noong experimental movies. Kailangang gumawa ka rin naman nun paminsan-minsan para malaman mo kung anong market pa ang maaaring pasukan ng pelikula mo. Alam namin, napakalaki ng kinita ng Relasyon, pero hindi puwedeng laging ganoon. Kaya minsan gumawa rin kami ng Sister Stella L.
“Gumawa ako ng Darna. Gumawa ako ng massacre movies, iyong Lipa Massacre. Gumawa ako ng Vilma and the Beep Beep Minica. May mga pelikula akong ginawa dahil kumersiyal dahil gusto ng fans. Maski iyong recording ko ginawa ko kahit na alam kong hindi naman ako singer, pero at that time iyon ang clamor ng fans. At kung natatandaan ninyo, iyon ang panahong angat na angat ang pelikulang Pilipino.
“That was the time na gumagawa tayo ng mga 200 movies a year, halos lahat doon kumikita. Ang mga sinehan, kabi-kabila. Iyong mga fans nag-aaway. Fanatics talaga sila noon. It is really sad, naiba na ngayon. Pero isipin natin bakit nangyayari ang ganoon?
“Sa tingin ko iyong experimentation sa pelikula kailangan din naman, pero parang mas kailangan na gumawa tayo ng pelikula na gusto ng local market. Iyon lang ang nakikita kong paraan para maibalik ang mga tao sa panonood ng sine.
“Aminin natin, magaganda ang mga serye sa telebisyon. Walang ipinagkaiba sa pelikula. Iyong mga Korean series maganda rin ang pagkakagawa. Nagmahal pa ang sine, na hindi naman maiiwasan dahil lumaki rin ang cost of maintenance nila.
“Ngayon nakikita ko ang tulong ng gobyerno sa industriya. Naibaba na ang amusement tax sa 10%. Kung sa bagay may mga bagong taxes namang pumasok. Hindi natin maaasahan iyong subsidy, kasi private business ang pelikula. Hindi puwedeng magbigay ng pondo ang gobyerno sa mga pribadong kumpanya. Aangal ang ibang industriya.
“Kung iisipin, nasa atin kung papaano natin maibabalik ang sigla sa ating industriya. Ako ang masasabi ko lang, darating din ang isang araw na palagay ko mas makakatulong ako. May mga plano na rin naman ako para sa kinabukasan, para rin sa industriya dahil artista pa rin ako,” sabi ni Ate Vi.
Aktor na may masamang working attitude nahawa sa ugali ng tatay!
“Tetano ang pakialemerong tatay ng male star na iyan,” sabi sa amin ng isang network insider. Bukod doon, “masama ang working attitude ng male star, kasi naniwala siyang sikat na sikat na siya.”
Iyon pala ang dahilan kung bakit kabilang siya ngayon sa mga tinatawag na “frozen delights”.
“Walang gustong makipag-trabaho sa kanya dahil sa attitude niya. Iniiwasan din nila ang pakialamerong tatay niya kaya wala siyang projects,” sabi ng insider.
Kaya naman pala.
Kailan nga ba matututo ang mga artistang ganyan?
- Latest