Gusto na uling umarte, Vilma hindi na makakuha ng oras sa paggawa ng pelikula!

May nagsasabi sa amin, mukha naman daw masyadong mapili sa kanyang mga gaga­wing projects si Congresswoman Vilma Santos. Totoo po. Palagay namin masyado nga siyang nagiging mapili, pero hindi mo siya masisisi kung ganoon man.

 

Ang daming trabaho ni Ate Vi. Iyon nga lang wala siyang ginagawang pelikula, iyon pa lang trabaho niya sa congress hindi na siya halos magkandaugaga. Nagkakasakit na nga iyong tao minsan, umatake na naman ang ulcer niya, nagsimula iyan noong panahong artista pa siya talaga. Alam naman ninyo ang mga artista, may mga sinusunod na diet para huwag tumaba, at nakita naman ninyo si Ate Vi hindi naman nagmistulang aparador.

Kung gagawa siya ng pelikula, talagang iaagaw niya iyon ng oras sa kanyang trabaho. Sa ngayon sinasabi niyang gustuhin man niya dahil name-miss na niya ang acting, talagang hindi ito maisingit.

Sa totoo, lang may sumasama na ang loob. May mga script na limang taon na yata sa kanya. Talagang ayaw gawin ang project kung hindi rin lang siya ang artista. Ok naman sa kanya ang project, hindi nga lang talaga mahanapan ng oras.

Kung ganyan ka naman ka-busy, at marami namang naghihintay na magagandang projects sa iyo, bakit ka naman tatanggap ng kung anong klaseng roles lang?

Isa pa, hindi naman sigu­ro masasabing pagmamalaki. Maayos naman kasi ang buhay ni Ate Vi. Hindi naman siya kagaya ng ibang alam nating naghihikahos din sa buhay, na kailangang tumanggap nang tumanggap ng kahit na anong project, dahil kailangang kumita at maghanap-buhay.

Dumating din naman kay Ate Vi noon ang problema. Naipit din siya sa taxes noong araw. Pero natuto siya kung papaano hawakan at ingatan ang kinikita niya, kaya tingnan naman ninyo maganda ang buhay niya ngayon. Isa pa, hindi kasi nagkaroon ng bisyo si Ate Vi. Ang buong panahon niya noon talagang ginamit niya sa trabaho. Marunong sa buhay eh, kaya hindi naging kawawa.

Mga baguhang artista na sumubok sa pelikula, binansagan agad flop star

Totoo ang sinabi mo, Salve. Kahit na iyong mga nano­nood nang libre, kahit na iyong mga senior citizens na hindi nagbabayad, at kahit na iyong mga nabigyan ng MTRCB cards, aba eh namimili rin ng pelikulang panonoorin nila. Kahit na sabihin mong libre, aba eh hindi libre ang popcorn sa sine. Sayang din naman ang oras mo kung hindi mo gusto ang pelikula.

Masakit mang pakinggan, may mga pelikulang flop pa rin kahit sa mga senior citizen.

Iyon nga ang madalas na dahilan, hindi naman kasi kilala ang mga artista nila. Nakalabas lang sa isa o dalawang serye, ang akala nila sikat na. Igagawa na nila ng pelikula. Pero iba ang pelikula eh. Ang mga tao nagbabayad para makapanood sa sine. Nagbabayad rin ng pamasahe para makarating sa mga mall na may sine, at mahal na ang pamasahe ngayon. Hindi iyan kagaya ng TV na nasa bahay ka lang at libre lang, habang prente ka lang na nakaupo at kumakain ng chicharon.

Ang kawawa riyan ay iyong mga artista. Nagsisimula pa lang ay branded nang flop stars, mahirap nang makabangon iyan. Hindi kasi nila i-build up muna kagaya noong araw bago nila gawing bida sa pelikula.

Kung sabagay, hindi naman kasi sila marunong mag-build up talaga. Tapos ang promo pa nila puro Facebook, ni ayaw nilang magbayad ng ads, iyan nga ang kalalabasan flop sila kahit na sa mga senior citizens na hindi na nga nagbabayad, ayaw pang manood sa kanila.

Sana magbago na ang gumagawa ng mga ganyang pelikulaa.

Show comments