Rest in peace...
Isang dagok sa industriya ng musika ang pagkamatay ni Joey Pepe Smith.
Namatay siya matapos na atakihin at isugod sa isang ospital. Wala pang masyadong detalyeng lumabas, maliban sa isang social media confirmation ng anak niyang babae na totoo ngang siya ay yumao na. Inaasahang lalabas ang higit pang detalye bago matapos ang araw na ito.
Si Pepe Smith ay matatawag na isa sa nagbigay ng “mukha” sa rock music sa Pilipinas. May panahong tinatawag siyang parang si Mick Jagger ng sikat na Rolling Stones. Una siyang nakilala nang itatag ang bandang Juan dela Cruz noong 1970, kasama ang mga musikerong sina Wally Gonzales at Mike Hanopol. Nagsimula siya bilang drummer ng Juan dela Cruz, pero kalaunan ay tumugtog na siya ng gitara kaya napalitan siya ni Edmon Fortuno bilang drummer ng grupo.
Pero bago ang Juan dela Cruz, may mga nauna nang banda si Smith. Sinasabing si Pepe Smith ay unang natutong tumugtog ng drums noong siya ay 9 years old lang at nagtayo ng kanyang unang banda kasama ang ilang barkada niya sa Kamuning na tinawag nilang Blue Jazzers. Pero mas sumikat nga siya nang gayahin niya si Mick Jagger doon sa banda niyang Downbeats at naging front act sila ng The Beatles noong 1966 nang dumating ang grupo sa Pilipinas.
Si Pepe ay ipinanganak na si Joseph William Feliciano Smith noong araw ng Pasko noong 1947, sa Angeles City, Pampanga. Ang tatay niya ay si Edgar William Smith na isang US airman. Ang nanay naman niya ay taga-Angeles, si Conchita Feliciano. Naghiwalay ang kanyang mga magulang noong siya ay 9 years old lang, kaya natira siya sa kanyang lola sa Kamuning.
Buong buhay ni Pepe ay ginugol niya sa musika. Minsan lang siyang “nasabit” nang kasuhan siya ng drug trafficking noong 1992, pero napakawalan din naman nang malaunan dahil sa kakulangan ng ebidensiya laban sa kanya.
Lima ang anak ni Pepe, kabilang na ang VJ ng Myx na si Sanya Smith at ang rock singer ding si Queenie.
Malaking kawalan si Pepe sa industriya ng musika sa ating bansa.
Pelikulang pambading mahina sa takilya
Sinasabi nilang malakas ang “pink peso”, ibig sabihin ang buying resources ng mga bading sa Pilipinas. Pero napakarami nilang interests, kabilang na ang mga lehitimong beauty contests, mga male bikini open, at maging ang beauty contests ng mga bading mismo. Doon sila talaga naka-focus, at iyon siguro ang dahilan kung bakit mahina ang mga pelikula tungkol sa mga bading.
Bagama’t masaya na sila sa resulta, maliwanag na bagsak sa takilya ang huling pelikula tungkol sa mga bading na ginawa ni Martin del Rosario. Ni hindi naka-isang milyon ang kita noon sa sinasabing 169 theaters. Pero maski naman ang mga pelikulang ginawa nina Lino Brocka, Mel Chionglo, at lalo na iyong mga indie nina Brillante Mendoza at Cris Pablo, lahat naman iyan ay hindi kumita.
Palagay namin, bagama’t sinasabi nga nilang may “pink peso” hindi talaga sa pelikula iyon nagagamit dahil napakarami na rin namang mga kuwentong bading na napapanood pa nang libre sa telebisyon. Bakit pa nga ba naman sila babayad ng halos tatlong daang piso para sa sine?
May mga nauna pa ngang pelikula na nagpapakita na nang diretsang kahalayan, at hubaran ng mga artista pero hindi rin iyon pinapasok sa mga sinehan.
Noong araw, hinihintay na lang nila iyon sa mga pirated na DVD. Ngayon nada-download pa ang mga pelikulang pinirata, kaya mas mahirap mong mahuli. Kung ano naman ang napapala ng mga nag-a-upload ng mga iyon ay hindi natin alam.