Mga small time na pelikula bihirang makatsamba!

Natatandaan namin ang sinasabi noon ng isang henyo ng pelikulang Pilipino, si Celso Ad Castillo, “hindi mo masasabi kung komersiyal ang isang pelikula hanggang hindi naipapalabas”

May punto siya roon dahil mayroong tinatawag na mga “sleeper” kahit na sa Hollywood. Ito iyong mga pelikulang hindi mo akalain pero kumita nang malaki. Dito sa atin may tsamba rin. Hindi ba nangyari iyan doon sa isang pelikula nina Alessandra de Rossi at Empoy. Naka-tsamba ‘yun. Talagang sasabihin mong tsamba lang dahil sila mismo hindi na nila naulit ang malaking kita ng pelikula.

Ang tanungan ngayon, mayroon kayang maka-tsamba sa Metro Manila Film Festival?

Kung ang mga marketing experts ang tatanungin, sinasabi nilang maliwanag na ang maglalaban nang husto riyan sa MMFF ay ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles nina Coco Martin at Vic Sotto at Fantastica nina Vice Ganda, Richard Gutierrez, at Dingdong Dantes. Ang inaasahan nila, pagkatapos ng ikalawang araw ng festival, kung kailan maaari nang magdagdag at magbawas ng mga sinehan, at maaari na ring magkalipatan, mukukuha ng dalawang pelikula ang mas malalaking sinehan, at ang mas maraming sinehan kaysa sa anim na iba pa

Ang sinasabi nilang “conservative estimate” makukuha ng dalawang pelikula ang 65% ng mga sinehan sa kabuuan ng festival, kasama na riyan ang mga sinehan sa mga probinsiya na sumasabay din ng playdate sa Metro Manila, lalo na iyong mga mall.

Ang sinasabi nilang chance na may maka-tsamba ay twenty percent, ibig sabihin malabo, pero may tsamba rin at hindi mo masasabi kung may makakatsamba nga. Pero sa tingin din namin, sa tagal nang gi­nagawa naming obserbasyon diyan sa festival simula pa noong magsimula iyan noong 1975, mukhang malabo ngang may makatsamba, lalo na ang mga pelikulang maliliit na mga artista ang bida. Kailangang isipin natin na sa ngayon, ang average Filipino, hindi na kagaya noong araw na sinasabing nanonood ng sine dalawang beses isang buwan.

Ngayon ang mga Pinoy, suwerte nang manood ng sine tuwing anim na buwan. Hindi lang dahil sa mahal na ang bayad sa sine, kung di ganoon din ang screening schedule. Darating ka sa sinehan, hindi ka makakapasok at kailangang maghintay ng kasunod na screening. Hindi kagaya noon, pasok agad, at pag-aabutin mo na lang iyong kuwento. Wala kang nasasayang na oras. Dahil diyan sa mga schedule na iyan, marami ang nanonood na lang sa DVD, o kaya doon sa mga nada-download sa internet.

Sa ngayon, hindi naman totoo iyong sinasabi ni Bong Go na pipigilin niya ang piracy. Senador ang papasukin niya eh, kung gusto niya bakit hindi siya sa OMB (Optical Media Board) pumuwesto. Iyong ibang mas nauna sa kanya at kabisado ang piracy walang nagawa eh, siya pa? Kaya ‘yang mga chika sa piracy, hindi na kami naniniwala sa ganyan.

Ang Filipino film market, sinasabi nga nila na mas predictable kaysa sa mga Kano. More or less alam mo kung ano ang hinahanap nila at gusto nilang mapanood. Ganoon din ka-importante kung sino ang gusto nilang mapanood. Kahit na ano pang pelikula ang gawin mo, hindi naman bankable ang artista mo, wala ka rin. Iyong iba naman kasing sumasali sa festival, sumasali lang para maipapalabas sila sa sinehan dahil kung hindi festival, hindi tatanggapin ng mga sinehan ang mga pelikulang iyan.

Hindi mo sila puwedeng alukin halimbawa ng “escargot hors d’ oeuvre”. Hindi nila alam iyon. Mas magugustuhan sila kung sasabihin mong “ginataang kuhol”.

Simple lang ang Filipino film market. Hindi ka­ila­ngang gamitan ng panuntunan ng mga Pranses. Diyan bumagsak ang film making sa Italya eh, noong ipinipilit nila ang mga “neo-realist films” nila ganoong mas kumikita ang tinatawag na “spaghetti westerns”

 

Show comments