Fantastica ni Vice Ganda, binuhay ang perya
Sinasabi ni Vice Ganda, makulay ang kuwento ng kanyang pelikulang Fantastica. Medyo fantasy talaga dahil dalawang daigdig ang pinag-uusapan, ang Fantastica at saka ang daigdig ng tunay na tao. Si Richard Gutierrez pala ay prinsipe sa Fantastica na ang misyon ay hanapin ang mga nawawalang prinsesa na nagkataon namang nililigawan ng tatlong kapatid na lalaki ni Vice na nabubuhay rin sa peryahan.
Una, naniniwala kaming makulay ang kuwento, lalo na nga at ang basehan ay isang peryahan. Marami kaming naging mga kaibigang peryante in the past. In fact iyong kauna-unahang nagtayo ng amusement business noon sa Davao, kaibigan namin ang mga anak. Nagkaroon din kami ng karanasan sa isang circus, isa iyon ay pinaka-malaki at pinaka-sikat na circus sa buong mundo noon. Alam din namin ang kanilang mga kuwento. Talagang makulay ang buhay ng mga taong nasa ganyang negosyo.
Hindi pa nga masyado ang mga theme park ngayon eh, dahil karaniwan puro rides iyan. Ang perya kasi, hindi lang rides, maraming taong involved. Ewan kung papaano ipakikita pero nagkaroon na ng ban sa mga palabas diyan sa perya, kasi sinasabi nga nilang labag sa human rights iyong mga tinatawag na freak shows noong araw, kagaya ng babaing kumakain ng buhay na manok at iba pa.
Kung iisipin talagang unfair, pero alam ba ninyo na noong 1904 sa World Fair na ginanap sa St. Louis, U.S.A., in-exhibit ang mga Igorot at pinagkakaguluhan sila doon dahil kumakain sila ng aso? Gawin mo iyan ngayon, racial discrimination na ‘yan. Pero ganyan nagsimula ang perya kahit na sa US.
Kaya naniniwala kami doon sa sinasabi ni Vice na makulay ang kanilang istorya at nakakatawa, kasi ganoon talaga ang buhay sa perya. At siyempre marami ring drama na nangyayari sa mga peryahan.
At para bigyan pa kayo ng idea. Ang pangalan ni Richard Gutierrez sa pelikula ay Prince. Ang pangalan ng character ni Vice ay Belat. May tatlo siyang kapatid na lalaki na ang pangalan ay Pepe, Junjun at Daks. Ang nanay nila ay si Aling Pek. Alam na ninyo ha.
Paskong Kapuso ng GMA-7 naging reunion!
Iyong Paskong Kapuso ng GMA-7, ang pangalawang Christmas party na napuntahan namin sa taong ito. Hindi kasi namin ugaling magpupunta sa mga Christmas parties kahit na may nangungumbida, pero diyan kasi sa GMA, diyan mo karaniwang makikita maski na iyong mga matatagal mo nang hindi nakikitang kaibigan. Ang GMA kasi, they make it a point, na parang nagiging reunion ang kanilang Christmas parties, na ganoon naman talaga dapat.
Mapapansin mo pa sa kanila, ang gusto nila ay kasiyahan ng lahat ng bisita, hindi kagaya ng iba na kunwari Christmas party pero nagpo-promote ng kanilang pelikula o TV shows. Pati ang kanilang Vice President for Corporate Communications na si Angel Javier Cruz, nag-iikot sa mga bisita at nagtatanong kung ano ang gusto nilang kainin o inumin. Talagang gusto nila masiyahan ang mga bisita. Iyan ang ipinagkaiba ng Christmas parties ng GMA kaya hindi mo palalampasin.
Ang party na iyon, nagkaroon pa ng continuation, hindi natapos lahat ng kuwento sa party, nagkayayaan pang mag-kape na inabot ng ala una dahil sa daming kuwento. Nangyari lang naman iyon dahil nagkasiyahan na nga sa party ng GMA.
Ang mga Christmas parties, hindi iyong raffle o kung anong ipamimigay nilang giv souvenirs ang importante. Ang mahalaga talaga ay maipadama ng nangumbida sa mga bisita niya na Pasko na nga. Doon magaling ang mga taga-GMA. Kasi makikita mo kung papaano sila mag-asikaso ng mga bisita nila. Maski ang pagkaing inihahain nila pamasko. Minsan kasi may parties na hindi na lang kakain kung mapili ka.
- Latest