Jessy muntik wasakin ng social media!
Buti nagka-pelikula
Napaiyak si Jessy Mendiola kahapon sa grand presscon kahapon ng The Girl in the Orange Dress na first Metro Manila Film Festival movie niya at first team-up din with Jericho Rosales.
Ipinagtapat ni Jessy na nang dumating sa kanya ang offer na ito ay nakatakda na raw siyang lisanin ang showbusiness.
“Natutuwa po ako na after all these years, nagkaroon po ako ng lead. Sobrang sakto po ‘yung timing ng movie na ito, pati ‘yung role kasi sobrang ready na po akong tumigil,” ani Jessy.
Aniya, pakiramdam daw niya ay hindi talaga para sa kanya ang showbusiness dahil sa lahat ng negativity nangyari sa kanya for the past 2 years.
“Parang pakiramdam ko, baka hindi ito, so ‘yun, nag-decide ako na umalis or mag-give up, pero ‘yun, as in right timing siya (the movie), siguro mga a few weeks after na nag-decide ako, biglang dumating ‘yung project sa akin,” she said.
Bago raw siya nagdesisyon ay kinonsulta niya muna lahat ng dapat konsultahin pati na ang boyfriend na si Luis Manzano.
“Tinatanong ko po silang lahat, sine-share ko sa kanila ang saloobin ko about showbiz, about ‘yung siyempre, ‘yung sa social media, malala na, ‘yung mga negativity, saka mga bashers.
“Hindi ko pwedeng i-deny na hindi ako naapektuhan,” pahayag ni Jessy.
Naintindihan daw ni Luis ang nararamdaman niya at sinuportahan ang kanyang desisyon. Nais niya raw sanang magbalik na lang sa pag-aaral that time.
“Pero iba rin si God, eh, parang iba rin ‘yung time frame niya. Pagka feeling mo, walang-wala na lahat,bigla na lang dadating ‘yung ganito kalaking blessing. So, andito ako ngayon,” sey ni Jessy.
Ngayon daw ay okay na siya at sa pamamagitan ng pelikulang The Girl in the Orange Dress ay nabalik ang passion niya sa pag-arte kaya for now ay wala na raw sa isip niya ang pagtigil sa showbiz.
Bong Go ayaw patawag na senador
Kahapon ay nakilala ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang entertainment press sa isang intimate lunch tsikahan at sey nga niya, natutuwa raw siya to meet the movie press dahil bata pa siya ay mahilig na raw siya talagang manood ng pelikula.
“Sa totoo lang, mahilig talaga ako sa pelikulang Pilipino. Bata pa ako, maalala ko, 7 years old ako sa Davao, mga sinehan do’n, lumang-luma pa ‘yung mga upuan, may surot, saka wala pa ‘yung mga malls, old families pa ang mga may-ari ng mga sinehan, tapos kahoy pa, tapos pwede pang manigarilyo,” kwento ni SAP Go.
Ang mga pinapanood niya raw noon ay mga pelikula nina Lito Lapid, Fernando Poe, Jr. at Phillip Salvador.
Kaya nga natutuwa raw siya ngayon, dahil si Sen. Lito Lapid ay nakakasama na niya ngayon.
Bilib na bilib daw siya sa nasabing tatlong action stars lalo na raw kay FPJ. Ginagaya raw niya ang mga ginagawa ng mga ito sa pakikipaglaban.
“Ngayon nga po, nakakagulat na sa paglipas ng panahon, sila na ‘yung mga nakakasama ko, sina Lito, sina Grace (Poe, anak ni FPJ),” pahayag pa ng Senatoriable.
Pati mga pelikula sa MMFF ay pinapanood niya at natapos nga raw niya ang Shake, Rattle & Roll 1, 2, 3.
“Nakakalungkot lang na medyo bumaba ang pag-produce ng mga films natin. Dahilan po siguro ito sa mga pirated na (copies ng pelikula) at saka sa mga tax.
“Ako naman, gusto kong tumulong. Marami akong kaibigan na nasa showbusiness tulad nina Ipe, nina Robin Padilla at natutuwa ako dahil noon sila, ‘yung mga pinapanood ko,” aniya.
Ngayon pa lang ay tinatawag na siyang Senador pero ayaw niyang pumayag dahil masyado pa raw maaga. Mas gusto raw niyang tawaging Janitor muna.
- Latest