Sylvia dinaga sa Miss Earth!
Luz Valdez as in talo sa Miss Earth 2018 si Sylvia Celeste Cortesi, ang official candidate ng Pilipinas at napapabalita na magiging regular co-host ni Willie Revillame sa Wowowin.
Ang sabi ng mga beauty contest fan, ninerbyos si Celeste sa Q & A portion ng Miss Earth 2018 kaya hindi naintindihan ang sagot niya tungkol sa #Malnutrition.
Bongga ang training ni Celeste bilang guest co-host ng Wowowin pero iba talaga kapag kasali ka na sa isang beauty contest. Hindi ka talaga makapag-iisip nang maayos kapag nangibabaw ang matinding kaba.
Dahil Lotlot de Leon si Celeste sa Miss Earth, asking ang fans kung matutuloy pa rin ang pag-apir niya bilang co-host ng top rating game show ni Willie sa GMA 7. Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata dahil tiyak na lilitaw ang tumpak na kasagutan sa mga future episode ng Wowowin.
Winwyn love na love ng organizer ng Reina…
Nabigo rin si Alyssa Muhlach Alvarez na magkaroon ng puwesto sa Reina Hispanoamericana 2018.
Hindi nangyari ang inaasam na back-to-back win nila ni Reina Hispanoamericana 2017 Winwyn Marquez dahil hindi nakalusot si Alyssa sa Top 10 candidates.
Ang ganda-ganda pa naman ng red gown ni Alyssa na inspired ng mapa ng Philippine island. Mabuti na lang, napansin ang stunning gown ni Alyssa, kahit natalo siya sa international beauty pageant na sinalihan.
Maganda, matalino at mestizang-mestiza si Alyssa pero sa tingin ko, mas malaki ang tsansa na umangat sa Reina Hispanoamericana ang mga morena candidate gaya ni Winwyn na talagang umariba nang husto nang sumali siya sa naturang contest noong nakaraang taon.
Si Winwyn ang first Pinay na sumali sa Reina Hispanoamericana at winner sa judges ang kanyang exotic beauty.
Love na love si Winwyn ng mga organizer ng Reina Hispanoamericana dahil sa kanyang pleasing personality.
Mabait, magalang at team player si Winwyn. Ilang oras bago nagsimula ang final show ng Reina Hispanoamericana, nagpunta si Winwyn sa backstage at isa-isang kinausap ang mga kandidata.
Malaking bagay para sa mga contestant ang ginawa ni Winwyn dahil nabawasan ang nerbyos na nararamdaman nila. Parang nakakita sila ng isang caring na kapatid sa katauhan ni Winwyn na likas na mabait at walang kayabang-yabang sa katawan.
Romnick nakahanap na ng kapalit ni Harlene?!
Bihira na makita si Harlene Bautista sa mga showbiz event kaya baka matagalan pa bago makuha ng mga reporter ang reaksyon niya tungkol sa girl na kasama ni Romnick Sarmenta sa isang graduation event noong Sabado.
Sumumpa si Harlene na walang third party na sangkot sa mutual decision nila ni Romnick na maghiwalay kaya palaisipan sa mga tsismosa at intrigera kung sino ang magandang babae na na-sight na kahawak-kamay ng aktor.
Actually, base sa mga statement noon ni Harlene, tanggap na tanggap na niya na hindi na magkakaroon ng another chance ang love affair nila ni Romnick.
Siya pa ang nagkuwento sa mga reporter na inaayos na nila ang annulment ng kanilang kasal at ang separation of properties.
Kung ganoon ang attitude na ipinakita ni Harlene, I’m sure na hindi na siya affected sa balita tungkol sa girl na kasama ni Romnick.
Mismong si Harlene ang nagsabi na maraming taon nito na pinag-isipan at hindi basta biglaan ang kanyang desisyon na wakasan ang labing-siyam na taon na pagsasama nila ni Romnick.
- Latest