Kagaya rin nang dati, nag-celebrate ng kanyang birthday in private si Congresswoman Vilma Santos kasama lang ang immediate members ng kanyang family. Ilang araw din sila sa Hong Kong, at umuwi kinabukasan na ng kanyang birthday, sinabayan nila ang long weekend at nagbalik din agad dahil may trabahong naghihintay sa kanya sa kanyang office pagkatapos ng long weekend na iyon.
Ilang taon na rin namang ganyan, at obviously ito ang panahong gusto namang ma-enjoy ni Ate Vi ang kanyang birthday.
Alam ba ninyo kung papaano ang birthday ni Ate Vi noong araw? Natatandaan namin iyong madaling araw pa lang kung ilang bus galing kung saan-saang probinsya ang nakaparada na malapit sa bahay nina Ate Vi. Ilang libong tao iyong kailangan niya pakiharapan at asikasuhin ng buong pamilya. Eventually bagsak siya sa pagod pagkatapos at hindi na makakain ng sarili niyang handa.
May panahon ding iyong birthday niya, kailangang paghandaan ng isang malaking presentation sa TV. Days before, matindi na ang rehearsals para sa mga production numbers na gagawin niya. Hindi rin siya matahimik sa studio dahil kailangang pakiharapan niya lahat ng mga artistang darating para batiin siya. Iisipin din niya ang mga fans na dadating doon, magkakasya ba sila sa studio, na definitely hindi naman mangyayari. Kailangan maglagay ng malalaking monitors sa labas para sa mga hindi nakapasok, at pagkatapos ng show kailangang harapin niya silang lahat.
Papaano mo nga bang masasabing nag-e-enjoy siya sa birthday niya?
Dumating na rin iyong point na gusto niya tahimik na lang, at naiintindihan naman iyon ng kanyang mga fans. Ilang dekada na rin naman na halos naging parusa kay Ate Vi ang paghahanda para sa birthday niya. Natatandaan namin si Mama Santos, ni hindi na alam kung ano ang uunahin. May fans, may press, may celebrities na dumarating, ang hirap talaga.
Si Ate Vi naman, dapat bigyan niya ng panahon ang sarili niya at ang pamilya niya. Iyon ang tama.
Imelda pinagsabihan na si Rico
Naikuwento ni Imelda Papin noong isang araw na dumating daw sa kanya iyong pagkakataong akala niya ay katapusan na niya, dahil sa sobrang pagod na rin. Sobra kasi talaga ang stress ng buhay ng isang entertainer. Sa kuwento niya, may isang kaibigan niya na nagbigay sa kanya ng isang supplement, na talagang nakabuti naman sa kanya.
Naikuwento nga niya, nai-suggest rin niya iyon kay Rico J. Puno, pero siguro hindi nga rin masyadong napansin iyon ni Rico, pero naniniwala si Mel na kung sinubukan niya iyon maaaring buhay pa siya ngayon. Sinasabi ni Mel na effective talaga iyon.
Iyon daw ang dahilan kung bakit talagang ine-endorse niya ang nasabing supplement, na nagpapalakas din ng immune system ng tao. Una raw iyong ini-launch sa U.S., at doon yata niya nalaman ang tungkol doon at ngayon narito na rin ang nasabing supplement sa Pilipinas. Dati raw nag-oorder pa siya noon online, at dolyar pa ang bayad niya. Natutuwa siya at ngayon nasa Pilipinas na iyon.
Pero kagaya rin ng lahat ng mga supplements, ‘no approves therapeutic claims’ iyan. Kaya kailangan talaga na komunsulta pa rin kayo sa mga doctor, dahil sila ang professionals na mas nakakaalam ng kalagayan ng ating katawan. Tapos at saka natin isipin ang iba pang support kagaya nga niyang mga supplements.