MANILA, Philippines — Ipagdiriwang ng multi-awarded Kapuso actress na si Therese Malvar ang kanyang ika-18 kaarawan na may magkakasunod na tagumpay sa kanyang career.
Matapos iuwi ang Best Supporting Actress award para sa dalawa niyang pelikula na School Service at Distance sa Cinemalaya Film Festival ngayong taon, dumayo si Therese sa Japan para i-represent ang huling nabanggit na pelikula sa 2018 Tokyo International Film Festival nitong Oktubre 26. Ikalawang pagkakataon na ito ni Therese na pumunta sa ibang bansa para kumatawan sa Pilipinas.
Sa murang edad na 17, nakapag-uwi na si Therese ng ilang acting awards gaya ng Best Actress sa 1st CineFilipino Film Festival 2013 para sa Ang Huling Cha-Cha ni Anita, Best Actress sa 11th CinemaOne Originals Film Festival, Screen International Rising Star Asia Award sa 15th New York Asian Film Festival, Award of Distinction sa 7th Inquirer’s Indie Bravo, Silver St. George Best Actress sa 38th Moscow International Film Festival, at 9th Ani ng Dangal Award—na lahat ay para sa kanyang pagganap sa Hamog. Noong 2017, kinilala rin siya ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) bilang isa sa mga nararapat bigyan ng Artistic Excellence Award. Nanalo rin siya bilang Best Supporting Actress sa The Eddys 2018 para naman sa Ilawod.
Isa na si Therese sa mga kilalang pangalan sa local indie scene at inaasahang mas marami pang pagkakataon ang dalaga na ipakita ang kanyang talento sa pag-arte.
At sa pagtatapos ng taon, abangan ang pagbibida ni Therese sa upcoming na GMA Afternoon Prime Series na Inagaw na Bituin kasama ang mga bigating artista ng Kapuso Network.
Gaganapin naman ang celebration ng ika-18 kaarawan niya kasama ang pamilya at mga kaibigan ngayong Nobyembre 3 sa Sequoia Hotel. Talbog!!!