May nagpa-abot ng tanong sa pamamagitan ng email, “bakit si Vilma Santos, hindi nano-nominate sa National Artist? Huwag mo namang sabihing hindi niya inambisyon din iyan”.
Kung ang pag-uusapan ay body of works, siguro naman walang tututol kung sasabihin ng kahit na sino na maaari ring ma-nominate si Congresswoman Vilma Santos sa ganyang karangalan. Pero dapat ninyong malaman na iba ang attitude ni Ate Vi bilang isang aktres. Si At Vi iyong masaya kung nananalo pero hindi siya talaga gumagawa ng pelikulang para ipanlaban sa isang award. Hindi niya iniisip iyan eh. Sa kanya iyan ang bonus.
Ang unang consideration ni Ate Vi kung gumagawa ng pelikula ay kung gusto niya ang kuwento. Ikalawang iniisip niya, ang pelikula ba ay magugustuhan ng audience niya. Para sa kanya importante iyon dahil kung hindi kikita ang pelikula at malulugi, hindi na uulit ang producers. Ang magsa-suffer iyong industriya at iyong mga tao sa industriya. Imbes may; trabaho sila, nawawala pa.
Kalokohang sabihin na hindi rin niya gusto ang awards, dahil kung hindi bakit nga ba itinatago pa niya sa bahay niya ang lahat ng mga awards na nakuha niya bilang isang aktres, eh isang kuwarto na ang punung-puno ng mga tropeo lamang.
Mahirap ding mai-consider si Ate Vi sa ngayon, kasi nga umiba siya ng linya. Mas nabibigyan niya ng priority ang public service, iyong kanyang pagiging pulitiko. At alam ba ninyo na si Ate Vi ay recipient na ng Presidential Lingkod Bayan Award, iyan ang pinakamataas na title na maaaring makuha ng isang public servant at ang gumagawa ng nomination para diyan ay ang Civil Service Commission. Siguro kung sa sining ay katumbas na nga niyan iyang National Artist. Eh ano pa ba naman ang hahabulin niya kung ganoon?
Basta nga natatanong siya tungkol diyan, ang sinasabi niya, “ang dami pang mas dapat mauna. Si Dolphy muna. Si Mayor Erap siguro. Dapat maideklara ring National Artist si Ambassador Rogelio dela Rosa, si Carmen Rosales, at ang dami pang ibang nauna sa akin na mas dapat unang bigyan ng parangal. Ako naman active pa. Mahaba pa ang panahon ko,” ang sinasabi ni Ate Vi.
Maricel hindi na raw makilala dahil sa katabaan
Sa totoo lang nagulat kami nang makita namin ang picture noong pumirma ng panibagong movie contract si Maricel Soriano. Hindi namin siya nakilala. Nag-zoom in pa kami ng picture para masiguro na siya nga iyon. Bakit naman ang taba ng mukha ni Maricel ngayon?
Hindi naman siya iyong mukhang matabang parang aparador na ang katawan. Hindi naman siya nagmukhang barko. Pero mataba ang mukha ni Maricel at sa palagay namin, kailangang magbawas siya ng timbang bago siya sumalang sa pag-gawa ng isang pelikula.
Unfair para kay Maricel na makita siya ng mga tao na ganoon ang kanyang hitsura. Alam namin mabilis niyang magagawa na magbawas ng timbang dahil may disiplina naman sa sarili iyan eh.
Dating aktor natupad na ang pangarap nang pakasalan ang hostess na Japanese Citizen
Natupad na rin pala ang pangarap ng isang dating male star na makarating sa Japan. Noon ambisyon niyang mag-Japan para magtrabahong hosto, hindi naman siya nakalusot. Ngayon pinakasalan niya ang isang pinay na dating asawa ng isang Hapon, at naging Japanese citizen na, kaya siya nadala roon. Ewan kung anong trabaho naman ang papasukin niya sa Japan. Sa edad niyang mahigit nang kuwarenta, hindi na siya puwedeng mag-hosto. Pero iyong asawa niya, hostess ulit ngayon doon.