Janno tinanggihan ng GMA!
May mararamdaman kang pait sa naging sagot ni Janno Gibbs sa isang netizen na nagsabi sa kanyang dapat nagbalik na lang siya sa GMA-7. Ang kanyang naging sagot, “ayaw na ng 7 sa akin”.
Hindi natin maikakaila na nagsimula ang career ni Janno sa GMA-7, nang isama siya ni Kuya Germs (German Moreno) sa original na grupo ng That’s Entertainment. Okay naman siyang kumanta at magaling ding magpatawa kaya nakukuha rin siya. Natatandaan namin, si Janno ang nakaka-cross over noon sa dalawang kumpanya ng pelikula, ang Regal at Viva. Naging matindi rin ang love team nilang dalawa noon ni Manilyn Reynes.
Sa pagtagal ng panahon, nasa GMA pa rin si Janno at naging mainstay nga sa marami nilang mga shows noon. Pero siguro normal nga iyong dumadating sa tinatawag na saturation point, wala nang pagbabago sa takbo ng kanyang career kaya naisipan niyang lumipat.
Nakumbinsi siya noong lumipat sa TV5, na ayos lang naman sana pero hindi naging maganda ang timing kasi iyon ang panahon na iniisip na ring baguhin ang programming ng istasyon. Nawala rin ang kanyang chances. Inaasahan nila noon ang musical team up nila ulit ni Ogie Alcasid na isa ring executive ng network noon, pero nadale nga sila pareho ng mga pagbabago.
Ngayon, kasama ng iba pang mga dating mainstays sa GMA, nasa ABS-CBN na naman siya at nagsimula iyan nang gumawa siya ng recording doon, pero ang management niya nasa Viva na ulit.
Simple lang naman ang naging problema ni Janno eh. Nagkamali siya sa diskarte sa kanyang career. Medyo napabayaan din niya ang development niya bilang isang talent. Ngayon kailangang bumawi ulit si Janno, at iyan ay sinasabi ngang hard climb to the top again.
Nagbago na ang musika sa atin, nakita naman ninyo ang nagiging hit si Daniel Padilla kahit na sa music, at mahirap sabayan iyang mga mas batang stars dahil hawak nila ang kasalukuyang market.
Sana nga makabawi naman siya.
Ganoon din naman ang sinasabi nila tungkol kay Maricel Soriano. Walang makapagsasabing si Maricel ay hindi mahusay na aktres. Hindi biru-biro ang mga napanalunan niyang awards na lehitimo naman lahat. Talagang kinikilala siya kahit na ng mga kritiko.
Pero tingnan nga ninyo, ano nga ba ang dahilan at bakit parang hindi halos kumikilos ang kanyang career?
Buong pamilya ng aktres, parang tinamaan ng karma
Pinag-uusapan nila, minsan ang karma kung dumating, tinatamaan ang buong pamilya. Mukhang ganyan ang nangyayari sa buhay ng isang female star na mukhang wholesale na karma ang nararanasan sa ngayon. Hindi naman siguro niya kasalanang lahat ang nagbunga ng ganoong karma, baka naman kasalanan din iyon ng lahi nila.
Kung sa bagay sinasabi ngang lumilipas din naman ang karma, hindi mo nga lang alam kung kailan ka makakawala sa epekto noon. Depende rin iyan, minsan may kasama kang may kaakibat na karma rin at lalo kang nababaon. Kaya nga kailangan piliin mo ang mga kaibigan at maging katrabaho mo. Dahil baka dalhin pa nila ang malas nila sa iyo.
- Latest