Muling nasungkit ng ABS-CBN ang pinakamataas na karangalang Best TV Station sa katatapos lang na 32nd PMPC Star Awards For TV kagabi, sa Henry Lee Irwin Theater, Ateneo de Manila University, Quezon City.
Wagi naman bilang Best Drama Actor sina Joshua Garcia at Jerome Ponce ng The Good Son ng ABS-CBN 2 at Best Drama Actress si Yasmien Kurdi ng Hindi Ko Kayang Iwan Ka ng GMA 7.
Tulad nang inaasahan, naging maningning ang pagtitipun-tipon ng mga bituin mula sa iba’t ibang istasyon ng telebisyon, na pinangunahan ng mga hosts na sina Jodi Sta. Maria, Kim Chiu, Yassi Pressman, Raymond Gutierrez at Robi Domingo.
Inawit nina Kiana Valenciano, Isabela Vinzon at Jayda Avanzado ang isang Ariana Grande medley. Samantalang pinainit naman nina Jerome Ponce, McCoy de Leon, Charles Kieron, Heaven Peralejo, Vivoree Esclito at Michelle Vito ang entablado sa isang dance number.
Sing and dance number din ang inihandog ni Vina Morales; at Barry Manilow medley naman ang handog ng Broadway Boys na sina Francis, Joshua, Benedict at Joshua, kasama si Mitoy Onting.
Ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award ay ipinagkaloob kay Quezon City Mayor Herbert Bautista; ang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award naman ay kay Arnold Clavio.
Ang German Moreno Power Tandem ay kina Coco Martin at Yassi Pressman ipinagkaloob.
Samantala, dahil umabot na sa 15 awards ang ASAP bilang Best Musical Variety Show, iniluklok ang programa sa Hall of Fame Award, at mapapahanay na ito sa mga nauna nang Hall of Famer na Maalaala Mo Kaya (Best Drama Anthology), Bubble Gang (Best Gag Show), Eat Bulaga (Best Variety Show) at Boy Abunda (Best Male Showbiz Oriented Talk Show Host).
At bilang tribute sa pagluklok sa ASAP sa Hall of Fame, sa opening number ay naghandog ng awitin ang mga ASAP mainstays na sina Angeline Quinto at Darryl Ong; at masiglang dance production number naman mula kina Kim at Enchong Dee, kasama ang G Force.
Sa pamunuan ng kasalukuyang pangulong Joe Barrameda, mga opisyal at miyembro, ang 32nd PMPC Star Awards For TV ay mula sa produksyon ni Ms. Tess Celestino ng Airtime Marketing Philippines at sa direksyon ni Bert de Leon. Mapapanood ang kabuuan ng palabas sa Oktubre 28, 2018, sa ABS-CBN Sunday’s Best’ pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.
Narito ang ilan sa mga nanalo:
Best TV Station - ABS-CBN 2; Best Primetime TV Series - The Good Son (ABS-CBN 2);
Best Daytime Drama Series - Contessa (GMA 7); Best Drama Actress - Yasmien Kurdi (Hindi Ko Kayang Iwan Ka / GMA 7); Best Drama Actor - (TIE) Joshua Garcia (The Good Son / ABS-CBN 2) and Jerome Ponce (The Good Son / ABS-CBN 2); Best Drama Supporting Actress - (TIE) Lorna Tolentino (Asintado / ABS-CBN 2) and Kyline Alcantara (Kambal, Karibal / GMA 7); Best Drama Supporting Actor - Gabby Eigenmann (Contessa / GMA 7); Best Child Performer - Seth Dela Cruz (Hindi Ko Kayang Iwan Ka/ GMA 7); Best New Male TV Personality - Kendoll (Eat Bulaga / GMA 7); Best New Female TV Personality - Heaven Peralejo (Wansapanataym Presents: Jasmin’s Flower Power / ABS-CBN 2); Best Drama Anthology - Ipaglaban Mo (ABS-CBN 2); Best Single Performance By An Actress - Kim Chiu (Ipaglaban Mo-Korea / ABS-CBN 2); Best Single Performance By An Actor - (TIE) James Blanco (MMK - Hapag Kainan / ABS-CBN 2) and Ruru Madrid (Magpakailanman -Takbo Ng Buhay Ko / GMA 7); Best Public Service Program - Healing Galing (TV 5) at Best Public Service Program Host - Vicky Morales (Wish Ko Lang / GMA 7).