Lea at Jed naghimutok sa mga nasayang na relief goods
Hindi naman siguro masasabing galit, pero halata mong inis ang aktres at singer na si Lea Salonga sa balitang tone-toneladang “relief goods” para sa mga biktima ng bagyong Yolanda noon na nagmula sa ibang bansa ang dinispatsa na ng Bureau of Customs dahil nabulok na ang mga iyon. Ang nakakatawang dahilan, ang mga nagpadala daw kasi noon ay hindi nakakuha ng tax exemptions para sa mga goods na iyon.
Ano ang ibig sabihin? May kalamidad sa iyong bansa. May ibang mga bansa na nagmalasakit, at dahil hindi sila nakakuha ng tax exemptions sa iyong gobyerno hahayaan mong mabulok na lang at matapon ang relief goods na kailangang-kailangan ng mga mamamayan ng iyong bansa na biktima ng kalamidad?
Iyon lang naman ang punto ni Lea. Maraming mga kababayan natin ang ni walang makain, walang matulugan. Wala silang mga pamalit na damit dahil pati mga gamit nila ay natangay ng delubyong tumama sa kanila. Tapos nariyan na pala ang mga bagay na makatutulong sa kanila, hindi pinayagang maibigay sa kanila kahit na halos magkamatay na sila dahil walang nakuhang tax exemptions ang mga nagmagandang loob na nagbigay ng tulong?
Dagdagan pa natin iyan. Hindi ba kamakailan lang nabalitaan din natin iyong libu-libong sako ng bigas na ibinaon lang, kasama ang mga de latang expired, na dapat sana ay naipamigay noon ng DSWD, pero naipit at hindi naitulong sa mga biktima ng kalamidad, tapos ibinaon lang dahil nabulok na.
Iyon lang naman ang sinasabi ni Lea, na kinatigan din naman ng isa pang singer na si Jed Madela. Kabilang kasi sila sa maraming mga artista na nagkampanya noon para makatulong sa biktima ng Yolanda. Pero siyempre dahil sa sinabi ni Lea, bina-bash pa siya ng trolls ng mga pulitikong siyang may kasalanan kung bakit nangyari ang ganoon. Bina-bash siya dahil sabi niya ay “nananagana at safe sa kanilang mga palasyo”.
Regine gagawin lang na judge sa mga talent search ng Dos?!
Ano ang inaasahan ninyong mangyayari sa paglipat ni Regine Velasquez sa ABS-CBN?
Sa totoo lang, sa tingin namin ay walang mababago. Ano pa nga ba ang magagawa sa isang institusyon nang kagaya ni Regine? Pero sabi nga ni isang kritiko, baka naman nagpaalam siya sa isang cooking show tapos gagawin lang siyang judge o coach sa isang talent search na ang talagang bida ay ang mga contestants? Hindi ba lahat naman ng big stars na nagbalik sa ABS-CBN ay ginawa lamang nilang judge o kaya ay coach sa kanilang talent search?
Magkakaroon kaya si Regine ng isang musical show man lang? Kung bibigyan naman siya ng ganoong assignment, ano kaya ang magiging reaksiyon ng ibang singers na nagsiksik din sa network na hindi naman nabigyan ng ganoong chance? Ewan.
- Latest