Natapos na ang mga ispekulasyon nung mismong unang araw ng pagpa-file ng certificate of candidacy, nang muling humarap si Congresswoman Vilma Santos sa COMELEC at mag-file ng COC bilang representative ulit ng Lipa. Diyan na nga matatapos ang maraming pabalik-balik sa bahay niya na humihiling na magbalik na siya sa kapitolyo, o kaya ay tumakbong mayor. Kahit na sinabi ni Ate Vi na gusto na muna niya sa congress, marami pa rin ang nangungulit.
Pero isa lang ang sinasabi ni Ate Vi, “gusto kong magkaisa kaming lahat sa ilalim ng One Batangas”.
Nagbuo kasi sila ng isang local party, ang One Batangas, dahil gusto nilang magkaisa-isa ang mga Batangueño para mas mapabilis ang serbisyong kailangan nilang ibigay sa kanilang lalawigan. Noon pa naman gusto ni Ate Vi ang ganyan, hindi nga lang nila nabuo noong panahon siya pa ang governor. Ngayon nabubuo na iyon.
“Sa akin kasi, lahat gusto namang magserbisyo. Lahat naman ang iniisip kung ano ang mas mabuti para sa mga tao, eh bakit kailangang mag-away pa, di lahat bigyan ng pagkakataon. Kailangan magkaisa at nang mapangalagaan ang interest ng bayan. Kung lahat magkakasama, tapos may isang gumagawa nang hindi tama, mas madaling pagsabihan eh. Mas mabilis na maaayos ang mga problema,” sabi ni Ate Vi.
“Ako naman kasi, nagsisimula pa lang akong matuto sa trabaho ko sa lower house, marami pa akong bills na gustong iharap, Marami akong unfinished business bilang congresswoman eh, ayoko namang maiwan iyon. Tinatapos ko lahat ang obligasyon ko within the term limits. Tatlong terms akong mayor ng Lipa. Tatlong terms din akong governor ng Batangas. Gusto ko namang matapos ang lahat ng mga batas na sa palagay ko kakailanganin ng bayan lalo na ng Lipa sa tatlong terms,” sabi niya.
Goma magaan ang gagawing pelikula kasama si Sharon
Dito naman sa Metro Manila, dumagsa rin ang mga nag-file ng COCs sa COMELEC. Kabilang na nga riyan si Vice Mayor Joy Belmonte na kagaya ng inaasahan ay tumatakbong mayor ngayon. Ang vice mayor naman niya ay ang kasalukuyang konsehal na si Gian Sotto.
Si Vice Mayor Joy ay involved sa industriya ng pelikula dahil siya ang talagang nagtataguyod ng Quezon City Film Festival na ilang taon na rin naman ngayon. Si Gian Sotto naman galing din sa isang showbiz family. Anak siya ng actor at Senate President na si Tito Sotto, at ng aktres na si Helen Gamboa. Kapatid niya si Ciara Sotto. Kaya nga sinasabing showbiz din talaga ang kanilang team na ok naman dahil ang Quezon City ay tinatawag nga ring “city of stars”.
Sa Ormoc ay ganoon din. Magkasabay na nagharap ng kanilang COC si Mayor Richard Gomez at si Congresswoman Lucy Torres Gomez. Kung sa bagay magaan naman daw ang role na ginagawa ni Mayor Goma sa kanyang ginagawang pelikula, kaya madali lang namang matatapos iyon bago siya magsimula ng kampanya.
Aktor na ikakasal na, nadidikit sa bakla
Sinasabing malapit na ngang mag-asawa ang aktor. Pero aywan kung bakit naman kung kailan malapit na nga siyang mag-asawa ay saka naman may kumakalat na mga hindi magandang tsismis tungkol sa diumano ay pagiging “close friend niya” ng dalawang male star na may “questionable gender”. Sana naman matapos na ang ganyang tsismis.