Daniel maraming naiangat mula sa pagkakalugi

Daniel Padilla

Siguro nga, para sa kanilang kumpanya ay pinakamalaking gathering na ang ginanap na ABS-CBN Ball. Talagang makikita mong ginastusan nila iyon, at iyon din namang mga artistang nagtungo roon ay pinagkagastahan din ang said event.

Pero may nakatawag ng aming pansin sa mga naglabasang balita. Isipin ninyo, sa dinami-rami ng mga batikang singers ng network, at sa rami nang naroroon noong gabing iyon, ang nagbukas ng kanilang programa ay isang kanta mula kay Daniel Padilla.

Bakit si Daniel ang nag-opening? Masasabi bang siya ang pinakamagaling sa lahat ng naroroon noong gabing iyon? Palagay namin ay hindi iyon ang dahilan. Pero tama sila na si Daniel ang opening number dahil hindi naman maikakaila na siya ang nagsampa ng pinakamalaking kita sa network sa taong ito.

Bakit nga hindi, eh iyong huli niyang pelikula ay kumita nang mahigit na P800 milyon. Eh iyong kinita pa ng mga mas nauna niyang pelikula? Hindi ba sinasabi nga ng ilang empleyado na ang pelikula ni Daniel ang sumiguro ng isang “Maligayang Pasko” para sa kanilang lahat?

“Parang nabawi ang lahat ng nalugi,” sabi pa ng isa naming source.

Huwag ninyong tatawaran ang kakayahan ni Daniel bilang isang singer. Mahigit pang isang linggo bago ang kanyang concert sa Araneta Coliseum ay ubos na raw ang mga prime tickets, at mukhang mapipilitan silang maglabas ng SRO tickets para sa show na iyon.

Sinasabi nga nila na hindi naman nila inaasahang sisirain ni Daniel ang standing record sa Araneta, at iyon ay iyong Ali-Frazier fight noong 1975, ang kauna-unahan at tanging world heavyweight championships na ginawa sa Pilipinas. Pero inaasahan na nila ngayon pa lang na sisirain ni Daniel ang record ng lahat ng mga concerts na ginawa na sa big dome.

Basta nangyari iyon, sapal na silang lahat.

Regine inaantay ang formal announcement sa paglipat

Masigla si Regine Velasquez noong finals ng The Clash. Nag-announce pa siya ng bagong show ng GMA 7 kung saan mapapanood ang limang finalists o Clashers, pero hindi niya sinabing hindi na siya kasama roon. Sa kanyang closing spiel ay sinabi pa niyang “see you next year”, kung kailan sinasabi ngang mauulit ang The Clash. Pero wala naman siyang sinabi na siya pa rin ang host noon sa muling pagbabalik ng contest sa susunod na taon.

Napakalakas na ng ugong na lumipat na nga si Regine ng network, bagama’t wala pang pormal na announcement noon. Nakita siya sa ABS-CBN Ball, at sinasabi ngang gagawa siya ng isang show, iyong for the benefit of the Bantay Bata Foundation. Ano pa nga bang announcement ang kailangang hintayin?

Aktor nagmukhang robot sa pinuntahang party

Nagtatawanan sila sa hitsura ng isang young male star na dumalo sa isang malaking party. Iyon kasing suot niya, sa halip na formal kagaya ng iba, akala mo costume ng anime character. Sabi pa nga ng isang kritiko “mukha siyang Daimos”.

Minsan kasi, masyado ang tiwala ng mga artistang gumagawa ng kanilang isusuot na damit. Minsan mali naman ang choice ng ipinasusuot sa kanila. Kaya sa halip na mapuri sila dahil sa kanilang effort, lumalabas pang katawa-tawa ang ayos nila.

Kawawa rin naman ang young male star na iyan, Hirap na ngang umangat ang kanyang career, madalas ay nasisilat pa. Masyado kasing umasa na mababatak siya ng naging popularidad ng relatives niya eh.

Show comments