Ate Vi napansin ang galing nina Daniel, James at Alden
Aminado si Congresswoman Vilma Santos, nahalata niyang mukhang nagtampo na sa kanya ang isang director nang hindi niya matanggap ang pelikulang iniaalok noon.
“Nahalata ko na medyo nagtampo na kasi ang sabi niya sa akin, pangatlo na ito. Totoo naman iyon talagang tatlong pelikula na nga niya ang hindi ko natanggap. Iyong una kasi ang sabi niya naghahabol siya ng oras at kailangang gawin immediately, eh alam mo naman ang trabaho ko at that time sa Batangas, hindi puwede iyong basta ka na lang mawawala kahit na ilang araw lang. Hindi ko iyon natanggap.
“Iyong sumunod ganoon din ang problema, hindi ko rin natanggap. Ito namang pangatlo palagay ko kailangan ng kaunting revisions pa sa material, eh wala rin siyang panahong magbago, kaya sinabi ko na next time na lang kung sakali,” pagkukuwento ni Ate Vi.
Nagiging mapili na ba siya sa mga projects niya?
“Nakita mo naman paminsan-minsan lang ako makagawa ng pelikula. Kung gagawa ka naman once every two years, aba eh kailangan pagbutihin mo na nang husto. Ang iniisip ko naman kasi ngayon kung ano ang maiiwan kong legacy bilang isang aktres. Hindi na kagaya noong araw, magkamali ka man ng project, ang haba pa ng panahon mo, malaki pa ang pagkakataon mong mabago iyon. Ngayon aminin na natin na dapat nag-iisip na rin naman ako ng kung ano ang maiiwan kong legacy sa showbusiness.
“Unang iisipin ko iyong mga Vilmanians. Aba kung gagawa ako ng kahit na anong pelikula lang, ano ang sasabihin ng mga tao sa kanila? Iyan ba iyong hinangaan ninyo at sinuportahan nang mahabang panahon, na ganyan lang din ang kaya. Nakakahiya rin naman sa kanila. Mapapahiya rin sila. Kung nagiging mapili man ako, at alam kong naiinip din sila, iyon ay dahil sila pa rin ang nasa isip ko. Ayoko namang mapahiya rin sila. Kung ako ang tatanungin sa ngayon, mas mabuti na iyong walang pelikula kaysa sa pumalpak ang gagawin ko,” sabi ni Ate Vi.
Sino ba sa mga bagong artistang lalaki ang gusto niyang makatrabaho?
“Lahat halos ng mga bata ngayon mapapansin mong talented. Napanood ko, mahusay si Daniel Padilla. Okay din naman iyong si James Reid. Mukhang okay rin si Alden Richards. Marami eh, pero ang sa akin kasi ano ang material na gagawin namin? Hindi pa rin ako nakadepende kung sino stars ang makakasama ko eh, ang sa akin iyong material muna,” sabi ni Ate Vi.
Nagsalita na naman si Nora Aunor na gusto siyang makasama sa pelikula. Anong masasabi niya rito?
“Matagal nang pinag-uusapan iyan, sa akin okay rin naman. Nagkasama na naman kami sa pelikula noong araw. Pero alam mo bang kung anu-ano na ang nasabi pero wala maski isang formal offer para gumawa kami ng pelikula nang magkasama?
“Siguro natatakot din ang mga producers, baka malaking masyado ang talent fees. Pero ang mas kinatatakutan siguro nila iyong schedule ng trabaho dahil sa trabaho ko. Minsan kaya hindi ko matanggap ang isang project, nahihiya ako eh. Masyadong limited ang oras ko. Kung hindi lang bakit nga ba hindi. Basta naayos ko na ang schedule ko, makaluwag-luwag lang ako ng kaunti, haharapin ko ulit iyang pelikula.
“Kaya lang alam naman ninyo, next year ay election year na naman. Hindi na ako nagkakampanya para sa sarili ko eh. Hindi rin naman tatakbo si Ralph (Recto) dahil may three years pa siya sa senado. Pero iyong mga kasama namin na One Batangas, naghihintay lahat ng endorsement na manggagaling sa akin. Doon mauubos ang oras ko, iyong kampanya para sa mga kasama namin.
“Pagkatapos noon, promise ko talaga na isisingit ko kahit na isang pelikula lang,” pagtatapos niya.
- Latest