Kailan ka titigil sa pulitika at magsisimulang gumawa ulit ng pelikula? Ganyan ang halos nagkakaisang tanong ng mga tao kay Congresswoman Vilma Santos noong isang gabi.
“Itong pagpasok ko sa pulitika, hindi ko naman talaga plano ito. Wala sa pamilya namin ang humalo sa pulitika, at noon basta tinatanong ako, ang sinasabi ko nga tama na iyong nandiyan si Ralph (Recto), isa na lang ang pulitiko sa amin dahil baka wala nang maiwan sa bahay kung kami dalawa pa ang sabay na papasok sa pulitika.
“Noon hindi ko rin kasi ma-imagine na iiwan ko ang showbusiness. Isipin naman ninyo, nine years old pa lang ak o artista na ako. At saka noon open naman ako sa pagsasabi na siguro kung nagawa ko na ang lahat ng roles na kailangan kong gawin, kung dumating ang panahon na wala na akong magagawa bilang isang artista, magdidirek ako ng pelikula. Kasi marami akong ideas na sa tingin ko magagawa ko bilang isang director.
“Pero iyon nga ang nangyari, napasok ako sa pulitika. Noong unang kumandidato akong Mayor, ang usapan talaga namin isang term lang, kasi may mga hinahanap nga akong pagbabago noon sa Lipa na ang sinasabi nila, ‘hindi po mangyayari iyan maliban kung kayo ang maging mayor.’ Kaya sabi ko sige susubukan kong maging mayor para mapatunayan sa inyo na magagawa iyan.
“Noong matatapos na ang una kong term bilang mayor, aba eh araw-araw akala mo may rally sa opisina ko. Marami pa silang hinahanap na pagbabago at nakikiusap sila na huwag kong iwanan ang city hall hanggang hindi nagagawa lahat iyon, ayun inabot ako ng siyam na taon sa city hall.
“Pagkatapos noon kinausap na naman nila ako. Pati iyong mga ibang mayors sa Batangas pinuntahan ako. Kailangan naman daw magkaroon ng pagbabago sa buong Batangas, hindi lang sa Lipa. Kinumbinsi naman nila akong tumakbong Governor. Ayoko na, dahil sabi ko nga mahirap na ang buong probinsiya na ang iintindihin ko, baka hindi ko makaya. Isa pa, sa Batangas wala pang babaing nananalong governor. Gusto ko na lang gumawa ng pelikula. Kasi sa totoo lang simula noong pumasok ako sa pulitika, naging limitado na ang oras ko sa talagang propesyong nakagisnan ko.
“Ayokong maging plastic ha, mas malaki ang kinikita ko bilang artista kaysa noong mayor, governor at lalo na ngayong congresswoman ako. Kaya ito talagang sakripisyo, maliban kung papatulan mo ang graft and corruption, pero hindi ko magagawa iyon. Artista ako, lahat ng mangyari nalalaman ng publiko. Basta artista ka hindi ka puwedeng gumawa ng kalokohan nang hindi malalaman agad ng mga tao,”
“Kaya ako iyon nga ang sinabi ko kay Luis (Manzano), at saka kay AiAi (Delas Alas), sabi ko nga sa kanila ready na ba kayo na i-give up ang malaking kinikita ninyo bilang artista? Kung hindi huwag na muna kayong pumasok dito dahil napakalaki ng mawawala sa kita ninyo,” pahabol na paliwanag ng award winning actress.
Pero kailan nga ba?
“Ang totoo name-miss ko ang pagiging artista. Basta nanonood ako ng TV, ang totoo nai-inggit ako kasi ang naiisip ko, kaya ko ring gawin iyan. Pero ngayon nahihirapan akong iwanan ang commitment sa bayan. Oras na dumating iyong panahon na hindi na ako relevant, kung wala nang naniniwala akin, aalis ako walang samaan ng loob, and when that time comes, alam ko mababalikan ko pa rin ang showbusiness. Puwede akong director. Puwede akong producer. Pero babalik at babalik ako sa showbusiness, kasi sa akin iyan ang talagang buhay ko. Iyan talaga ang dugo ko, kagaya rin naman nitong public service na parang siya ngayong kaluluwa ko,” patapos na pahayag ni Ate Vi.
Aba eh kung hindi pa alas-onse na, hindi matatapos ang kuwentuhang iyon kay Ate Vi.