Nagsimula ang career ni Sanya Lopez sa napaka-wholesome na image. Isa siya noon sa mga co-host ni Kuya Germs sa Walang Tulugan. Napaka-wholesome rin ng kanyang unang serye sa telebisyon, ang Encantadia. Kaya nga nakakagulat na sa kanyang unang film assignment, nakumbinsi siyang magpa-sexy agad sa Wild and Free.
Aminado naman si Sanya, na isa siyang self confessed “virgin”. Umasa lamang siya sa direksiyon ng kanilang director na si Connie Macatuno dahil hindi niya alam ang kanyang gagawin. Wala pa siyang actual experience na ganoon. Pero naniniwala siyang dahil magaling naman ang kanyang director, nagawa naman niya nang mahusay ang role.
Hindi naman daw nag-alangan si Sanya nang tanggapin ang role na iyon, “kasi artista po ako eh, at trabaho ko iyan. Kahit na ano pang role ang ibigay sa akin, kung sa tingin ko naman hindi offensive, gagawin ko po iyon. Ito namang pelikula namin, sexy talaga pero ang mas makikita mo sa kuwento ay iyong love affair noong dalawang characters. Natural may love scene, pero ilang eksena lang naman iyon at hindi roon umikot ang kuwento,” sabi pa ni Sanya.
Hindi rin naman daw siya naiilang kung sinasabing baka masimulan na naman nila ang panibagong sex trend sa pelikula.
“Hindi ko po alam. Hindi ko pa rin alam kung ang susunod kong pelikula ay ganito pa rin. Depende po iyan sa aking mga producer at siguro depende rin sa magiging resulta ng aming pelikula,” sagot niya.
Okay ba sa kanya ang leading man na kapwa Kapuso actor?
“Ok naman po, mabait po kasi si Derrick. Halata mong gentleman siya. Hindi siya nagsasamantala sa eksena. Guwapo siya, kaya siguro masasabi kong suwerte ako na siya ang leading man ko. Pero hindi ako apektado sa pagpapa-sexy niya eh kasi parang ang nakikita ko sa kanya iyong kapatid ko,” sabi pa ni Sanya.
Concert ni Lea mas mabenta kesa sa ibang concert
Nakakatuwa naman iyong aming narinig na ang 40th Anniversary Concert ni Lea Salonga na gaganapin sa susunod na buwan ay sold out na ngayon pa lang. Dalawang araw ang kanyang concert, at sabihin mo mang mas maliit ang venue, iyong venue naman niya ay nangangahulugan na mas mahal ang tickets kaysa sa mga ginagawa sa mga big venue.
Taliwas iyan sa iba namang kuwentong narinig namin na napakahina daw ng benta ng mga ticket ng ibang concerts.
Ibig sabihin, hindi totoong may krisis na rin pati sa industriya ng musika.
Siguro nga masasabi nating ang mga Pilipino ay talagang namimili na rin kung ano ang dapat nilang panoorin, lalo na sa hirap ng buhay ngayon.
Dalawang aktor, mga mayayamang matrona at bading ang nabibiktima
Hindi na maganda ang mga lumalabas na tsismis tungkol sa isang actor na pinagbibintangang nanghuhuthot daw sa mga mayayamang matrona. Isa pa nga raw matrona na nahuthutan nito ay biyuda ng isang military officer na ngayon ay naghihirap na dahil nahuthot na ng actor ang lahat niyang pera.
Hindi ito ang first time na may lumabas na ganyang tsismis tungkol sa actor na iyan. Siguro nga may mga bagay na kailangan na niyang ipaliwanag.
Kasabwat daw niya ang isa pang actor na ang madalas namang biktima ay mga bading.