Ate Vi hindi na interesadong magka-acting awards?!
May mga nagsasabi na siguro ito nga ang tamang panahon para si Congresswoman Vilma Santos ay muling gumawa ng pelikula. Sinasabi nga kasi nila, matagal nang walang nakikitang performance ng isang mahusay na aktres sa pelikula. Bihira rin ang mga pelikulang kumikita talaga. At sinasabi nga nila na si Ate Vi lamang ang nakagagawa ng mga mabibigat na pelikulang kumikita.
Sinasabi rin ng marami, siguro kung aktibo nga sa pelikula si Ate Vi, sunud-sunod na naman ang panalo niya ng awards.
Mayroon pang nagsasabi, si Ate Vi lamang ang aktres na umabot sa talagang big star level na hanggang ngayon ay sikat at hindi nalaos. Ang mga kasabayan niya, alam naman natin wala na halos magawang projects.
Pero ang problema nga kasi, medyo iba na ang mundong ginagalawan ngayon ni Ate Vi, at ang mas inuuna niya ngayon ay ang mga gawaing pambayan. Congresswoman na siya at natural inaasahan ng mga nasasakupan niya na uunahin niya ang problema nila.
Isa pa ano pa nga bang award ang kailangan niyang habulin eh lahat naman ng award ay nakuha na niya. Minsan nga nadadaya pa, pero nakukuha pa rin niya. At saka hindi naging particular si Ate Vi sa mga award. Kahit na noong aktibo pa siya bilang aktres, ang awards ay bonus na lang para sa kanya. Ang mas mahalaga sa kanya ay masiyahan muna ang manonood sa kanyang mga pelikula. Kaya naman lahat ng pelikula niya ay hit.
May nabalitaan na ba kayong ginawang pelikula ni Ate Vi na walang nanonood kundi pito? May nagawa bang pelikula si Ate Vi na ni hindi nakatikim na maipalabas sa sinehan dahil walang gustong maglabas?
‘Yun lamang ay sapat na at hindi na nga siguro niya kailangan ng ano pa mang award.
Stephen Curry nagbigay ng leksiyon sa mga artistang mayayabang
Isang international superstar si Stephen Curry ng Golden State Warriors. Nang dumating siya rito noong nakaraang linggo, natural nagkagulo ang lahat ng basketball fans, kabilang na ang mga kilalang celebrities na nakipag-selfie pa kasama niya. Naging special guest din siya sa intial game ng UAAP (University Athletic Association of the Philippines). Pero ang nakatawag ng aming pansin ay ang pagpapahalagang ibinigay niya sa batang si Justin Remo ng Bulacan, na hindi lang nagkaroon ng pagkakataong makipag-selfie sa kanya kundi nakalaro pa niya ng basketball.
Oo nga at masasabi natin siguro ang nag-arrange kasi ay ang show ni Jessica Soho, pero para bigyan ng panahon ni Curry ang ganoon, aba eh napakalaking bagay noon.
Kaya lang naman namin nabanggit, naalala namin ang madalas naming marinig na reklamo ng fans ng mga supladang mga artista na minsan tinatabig pa ang kanilang fans na ang gusto lamang naman ay makapagpakuha ng pictures na kasama sila. Hindi pa naabot ng mga iyan kalahati man ng popularidad ni Curry pero mayayabang na.
Sa pagdalaw ni Stephen Curry sa Pilipinas, sana may natutuhang leksiyon ang marami nating mga artista kung papaano ang tamang pakikitungo sa fans na siyang dahilan kung bakit sila sumikat at nagkaroon ng magandang trabaho. Kundi ba dahil sa fans ay kikita ang kanilang mga ginagawang pelikula? Kung hindi naman kumikita ang pelikula nila, may magbibigay pa ba sa kanila ng trabaho?
- Latest