Wala naman sigurong masamang intensiyon si Jake Cuenca nang mag-comment siyang mas dapat tinatangkilik ang mga pelikulang mahuhusay at pinaghirapan kaysa sa mga romcom. Wala naman siyang sinabing hindi pinaghihirapan ang mga pelikulang romcom, pero inulan siya ng banat ng mga netizens dahil sa kanyang sinabi.
Later on, napilitan siyang magpaliwanag sa kanyang social media account na wala naman siyang masamang ibig sabihin. Gusto lang daw niyang meg-endorso ng isang inaakala niyang magandang pelikula.
Kung iisipin, wala naman talaga sigurong masamang intensiyon si Jake, pero iyon kasing ginagawang paninisi ng maraming mga gumagawa ng mga pelikulang indie, na sinasabi pang mas makabuluhan ang kanilang pelikula kaysa sa mga tinatangkilik ng mga tao, na para bang insult sa publiko dahil halos sabihin nang wala silang muwang sa pamimili ng magandang pelikula, iyan ang ikinaiinis ng masa sa mga taong ganyan.
Ang unang tanong, sino ka naman para magdikta sa akin kung ano ang gusto kong panoorin eh pera ko naman iyon? Ikalawa papaano mong masasabing wala akong muwang sa pelikula kung mas marami nga kaming nagkakaisa kung anong pelikula ang panonoorin namin at hindi iyang mga pelikulang pilit ninyong isinasalaksak sa lalamunan namin? Maliwanag na nga, hindi solusyon iyong “kokopohin namin ang lahat ng sinehan para kami ang panoorin ninyo”. Nakita naman natin ang nangyari, hindi rin nanood ng sine ang mga tao, kaya ang mga sinehan napilitang alisin ang mga pelikulang pilit, at palitan ng pelikulang ingles pa.
Malaking pagkakamali talaga ang pilitin mo ang mga tao na manood ng pelikulang ayaw nila. Ano man ang sabihin mo, hindi sila makikinig sa iyo.
Teejay Marquez susubok ulit ng career
Minsan nakakalungkot din, dahil isa sa pinakamalaking matinee idol sa Indonesia ay isang Pilipino, si Teejay Marquez. Doon siya ay isang top matinee idol, at sunud-sunod ang kanyang mga tele-serye na siya ang bida talaga. Kung titingnan mo, guwapo naman si Teejay at marunong din namang umarte. Siguro nga lang mali ang sabak ng pagsisimula ng kanyang career sa Pilipinas.
Naging limitado kasi ang kanyang TV appearance noong araw, at nang makagawa ng isang pelikula ay indie pa. Parang nabantilawan ang kanyang career. Nang sinubukan niya sa Indonesia, sumikat siya.
Ngayon nagtatangka si Teejay na magsimula ulit ng kanyang career sa Pilipinas. May kumuha na sa kanya bilang isang endorser, pero hindi pa masyadong visible ang endorsement niya. Iyon iba namang endorsements niya, maliliit na kumpanya. Dapat makakuha siya ng isang malaking project para mapatunayan niya talaga ang worth niya.
Singer nagmamakaawa para sa kanyang concert
Halos magmakaawa na raw ang isang singer sa friends niya at nanghihingi na ng tulong dahil mukhang walang gustong manood ng kanyang gagawing concert. Kung sa bagay, sinasabi nga ng iba na kung iyong mas maliit na venue hindi na nga niya napuno, papaano pa ang big venue? Minsan kailangan talagang tanggapin ng isang artist kung tapos na ang kanyang panahon.
Hindi talaga puwedeng habang panahon sikat ang isang artista.