Talagang nakakalungkot ang balitang pumanaw sa edad na 65 ang isa pang henyo ng industriya ng musika sa ating bansa, si Rene Garcia, ang lead guitarist ng grupong Hotdog. Siya ay inatake sa puso, at pumanaw mga alas 6:20 noong Linggo, Setyembre 2.
Si Rene, kasama ang kapatid niyang si Dennis, at si Ella del Rosario ang nagsimula ng grupong Hotdog noong 70’s at lumikha ng isang rebolusyon sa ating musika na tinawag noong “Manila sound.” Sa Manila sound na iyan nagsimula ang OPM. Sumikat ang kanilang mga awiting kagaya ng Pers Lab, Annie Batungbakal, Bongga Ka Day, Bitin sa Iyo, Langit na naman, at iyong iconic nang kantang Manila, Manila.
Siguro ang masasabi pang matinding nagawa ng Hotdog ay nang maiparinig sa buong mundo ang kanilang Manila Sounds, nang mag-duet sina Rene at Ella del Rosario sa Miss Universe pageant na unang ginanap sa Pilipinas, sa Folk Arts Theater noong 1974, nang awitin nila ang Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko. Iyon nga siguro ang kauna-unahang pagkakataon na narinig ng mundo ang mang-aawit na Pilipino na umaawit ng isang kantang sarili ring atin.
Maraming Pilipino ang nauna, pero ang kinakanta nila ay cover versions ng mga kantang Kano. Kaya nga tuwang-tuwa ang mga Pinoy noong panahong iyon dahil first time na naiparinig ng mga Pilipino na may talent ang mga taga-rito sa atin na katanggap-tanggap sa buong mundo. Si Rene ang utak ng lahat ng iyon.
Dahil sa nilikhang popularidad ng Manila sounds, nagkaroon ng pagkakataon ang mas marami pang mga musikero at mang-aawit na Pilipino, at isinilang na ngang kasunod ang OPM, o Original Pilipino Music. Iyan ang naging tawag sa bagong musikang Pilipino. Hindi naman nawala ang mga tradisyonal nating kundiman, pero nabuksan ng OPM ang mas maraming pagkakataon para sa mga Pinoy. Ang naging suporta rin naman ng gobyerno noon sa sining ang isang lalo pang nagpatindi ng popularidad ng OPM. Noon, obligado ang lahat ng istasyon ng radyo na magpatugtog ng original Pilipino music tuwing kalahating oras. Hindi puwedeng gaya nang dati na puro sila kantang dayuhan. Ang sinasabi namin ay hindi ang OPM na organisasyon, kung ‘di ang totoong OPM na ang kahulugan nga ay “original Pilipino music”.
Ipagluluksa ng industriya ng musika ang pagpanaw ni Rene. Ang fans ng Hotdogs na gustong magbigay pugay kay Rene sa huling pagkakataon, ang kanyang mga labi ay nasa Agoncillo Chapel ng Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque.
Daniel at Kathryn kinatatakutan na
Nakakatakot ang naging resulta ng pelikulang The Hows of Us nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Iyan na ngayon ang bagong pamantayan sa box office. Palabas sila sa 425 sinehan nang sabay-sabay at patuloy na pinipilahan.
Magtataka ka kung saan nanggagaling ang mga taong nanonood ng pelikula nila. Hindi ‘yan hakot na block screening, talagang pumipila ang mga tao.
Talagang nakakatakot dahil iyan ang tiyak na hahanapin sa mga susunod na pelikula. Basta may pelikula na hindi kumita nang ganyan, tatawagin na lamang silang “mild hit”, dahil nagkaroon na nga ng bagong pamantayan para matawag kang “blockbuster”.
Wala ring pelikula ng kahit na anong love team na kumita nang ganyan, kaya selyado na rin ang pangunguna sa popularidad ng KathNiel sa mga loveteams ngayon.
Marami nga ang natatakot para sa mga kasunod nilang pelikula. Mukhang naubos na ng Kathniel ang pera ng mga fans at wala nang makakapanood ng isa pang pelikula ulit sa susunod na dalawang buwan. At tiyak iyan, maraming paulit-ulit na nanood ng pelikula, dahil kung hindi, saan ba manggagaling ang ganoon karaming taong nanonood ng sine?