Nararanasan na ngayon ng mga artista ang masamang epekto sa kanila ng social media. Noong araw, nakumbinsi silang lahat ay gumawa ng sarili nilang social media account. Kasi napaniwala sila na iyan ang epektibong paraan para makaabot sila sa kanilang mga fans. Hindi na kasi kagaya noong araw na ang mga artista ay sinusundan talaga ng press. Ngayon nagpapakita na lang sila kung may ipo-promote sila. Ang epekto noon, sila ang nawalan ng publisidad sa panahong wala silang projects. Lalo silang nakakalimutan. Kaya nga bumaling sila sa social media.
Pero ang nangyari naman, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga hecklers na mai-bash sila. Minsan wala namang dahilan pero mga hecklers nga eh, talagang walang gusto niya kung hindi mang-asar lang, kaya napipilitan din silang isara na ang kanilang account, kagaya nga ng ginawa ni Janine Gutierrez, na wala namang ginagawang masama pero napag-initan ng ilang hecklers.
Naging biktima rin naman si Congresswoman Vilma Santos. May isang sira ang tuktok na poser na gumawa ng account gamit ang pangalan niya. Iyong poser ay walang ginawa ng kung hindi manira ng iba, at makialam sa mga usapin sa showbiz. Kaya mahuhulaan mo na ang poser niya ay sa showbiz interesado, hindi sa pulitika.
Pero kung kilala ninyo si Ate Vi, hindi ka makakarinig sa kanya ng mga ganoong comment eh. Maski nga noong araw, kahit na sabihin mong sinisiraan pa siya, hindi mo maaasahan iyan na mag-retaliate. Sasabihin lang sa iyo, “pabayaan na ninyo iyan”. Kaya magtataka ka sa katarayan ng kanyang poser, at may sinasabing mga salita na alam mong hindi magmumula kay Ate Vi. May mga salita na ni hindi mo ma-imagine na maririnig mo mula kay Ate Vi mismo.
Pero ganyan talaga ang mga posers at bashers, kaya marami na ring artista ang naiilang na ngayon sa social media, maliban doon sa mga maldita rin talaga na nakikipagtalakan sa kahit na sino, o iyong mga wala nang mababalingan kung di social media dahil wala na ring papatol sa kanila.
Rochelle buntis na!
Si Rochelle Pangilinan, na artista na rin ngayon sa mga serye ha, finally buntis na rin pala. Isipin ninyo, tumagal ng siyam na taon ang relasyon nila ni Arthur Solinap bilang mag-syota, bago sila nagdesisyong magpakasal na last year. Pareho naman silang nagsimula bilang dancers, si Rochelle sa Sex Bomb at si Arthur naman sa Abztrack noong araw. Ngayon pareho na sila silang artista.
Si Rochelle ay 36 na, si Arthur naman ay 38. Tamang edad lang naman iyan para magkaroon na sila ng anak, pero ang ibig sabihin niyan, matitigil muna si Rochelle sa panahong buntis siya.
Pelikula nina Anne at Sarah pinansalba sa mga sinehan
Hindi lang inilalampaso ni Sarah Geronimo ang ibang mga pelikulang kasabayan niya. Sinasabing nakapagrehistro rin siya ng highest single day gross sa isang pelikula. Sa kanyang second week, nadagdagan pa ang mga sinehang nagpapalabas ng kanyang pelikula. Eh ano ang palabas sa mga sinehang iyon na nasipa at kumuha ng pelikula ni Sarah?
Ipagtatanong pa ba naman ninyo kung ano iyan? Eh di siyempre iyong ayaw nang panoorin ng mga pinoy. Isipin nga ninyo, iyong pelikula ni Anne Curtis, tapos na ang playdate, at napirata na sa social media, inilabas pa ulit para isalba ang mga sinehang nakakuha ng flop na pelikula. Kaya tahimik sila ngayon eh, kasi nga malaking flop.