Kiddie show na ‘Oyayi’ mapapanood na sa Knowledge Channel
MANILA, Philippines — Mapapanood na ang premyadong pambatang programang Oyayi, na punung-puno ng aral at impormasyon tuwing Miyerkules mula 8:00 am at 6:00 pm sa Knowledge Channel.
Ang paboritong show ng mga kids tuwing Linggo sa ABS-CBN noon ay nasa Knowledge Channel na upang patuloy na ipakita sa mga bata ang halaga ng pagmamahal sa kapwa pati na rin mamahagi ng aral at praktikal na impormasyong pang-araw araw. Itinuturo rin nito ang pagkilala at pagmamahal sa sariling kultura, pangangalaga sa kalikasan, at ang responsableng paggamit ng teknolohiya, social media at pagiging handa sa anumang sakuna.
Pasamahin ang inyong mga anak at nakababatang mga kapamilya sa pakikipagsapalaran ni Kuya Maki (Icko Gonzales) at ng mga nakakatuwang kaibigan nitong “endangered species” ng Isla Oyayi na sina: Tama Raw, Bon Haribon, Diva Butanding, Tarsiera, at Dok Pil kung saan masusubukan ang kanilang, tapang, lakas, talino at pakikipagkaibigan laban sa tusong si Dr. Kuwago Zhibago at ang kanyang mga kasamahang Tor-Nil-Yon.
Ginawaran ang Oyayi ng Best Children and Youth Program Award sa 39th Catholic Mass Media Awards (CMMA) at Best Children’s Show sa 15th Gawad Tanglaw Awards.
- Latest