MANILA, Philippines — Isa na namang dating child star ang binigyan ng pangalawang pagkakataon sa buhay ni Coco Martin. Kinuha niya si CJ Ramos makaraang makalabas ito ng kulungan dahil sa paggamit ng droga para makasama sa Ang Probinsyano.
Hindi lamang mga artistang nangangailangan ng project ang nabibigyan ng pagkakataon sa serye kundi maging ‘yung naghahanap ng magagawa para hindi malugmok sa masamang bisyo.
Erich sumaya sa R16
Kahit hindi nabigyan ng rating ng Cinema Evaluation Board ang pelikula ni Erich Gonzales na We Will Not Die Tonight na kasali sa nagsimula nang Pista ng Pelikulang Pilipino, nabigyan naman ito ng R16 rating ng MTRCB na unang R18 ang rating.
Masaya na ang Kapamilya actress na maipamalas ang unang pagsabak niya sa isang maaksyong pelikula.
Heart magiging first lady na rin?!
Kasabay na pag-uusapan na naman sina Sen. Chiz Escudero at ang misis nitong si Heart Evangelista dahil isa ang pulitiko sa binigyan ng importansya ni Presidente Duterte na puwedeng makapalit niya sakaling magbitiw siya sa kanyang posisyon bilang pangulo.
Feel ko rin na may kakayahang mamuno ng bansa ang matalinong mambabatas pero, hindi pa pinagkakatiwalaan ng lubos ng publiko.
Kahit suntok sa buwan ang kagustuhan ng Pa-ngulo, excited ang lahat dahil magiging First Lady ang Kapuso actress kung saka-sakali.
Perla ‘di inakalang magiging leading lady pa
Hindi inakala ni Perla Bautista na sa kanyang edad ay makukuha pa siyang leading lady muli. Akala niya ay mga kabataang artista na lamang ang magbibida sa mga pelikula ngayong panahon ng milenyal pero, nagkamali siya.
Bida siya sa family movie na Kung Paano Hihintayin ang Dapithapon. Hindi lamang isang pelikula ang ginawa niya kung hindi isang pelikulang punung-puno ng pag-ibig na pinanood at napiling Best Full Length Movie sa katatapos na Cinemalaya kasama sina Dante Rivero at Menggie Cobbarubias. Ang beteranang artista ang pinaka-paboritong leading lady ni Joseph Estrada nung kapanahunan niya.
MNL48 nanahimik sa paggawa ng album
Marami ang naghahanap sa MNL 48. Matapos nga naman ang bonggang pagbuo sa kanila sa programang It’s Showtime ay parang bigla silang naglaho.
Walang balita sa kanila nitong mga nagdaang araw. ‘Yun pala ay matahimik silang gumawa ng kanilang debut single na ipamamahagi ng Star Records. Ito ang Attakatta: Gustong Makita na hinango sa isang best selling song sa Japan.
Nagkaro’n ito kamakailan ng isang bonggang launching sa Centris Station. May dalawa pang Japanese song na tinagalog ang MNL 48 at makakasama sa kanilang debut album.
Klaudia binabalikan ang showbiz
Sa kabila ng pananahimik ni Klaudia Koronel after niyang mag-asawa at manirahan sa abroad kasama ang kanyang asawa at 12 taong gulang na anak, nagbabalak muling balikan ng dating sexy star ang kanyang pag-aartista. Kaya mapapabilis ang kanyang pagbabakasyon dito.Bukod pa sa may inaayos siyang pagbebenta ng isang condo unit niya dito na hindi naman nila natitirhan.
Nakakagawa rin ng indie movies sa abroad si Klaudia pero, iba ‘yung dito niya gagawin at makakasama ang mga dati niyang nakakasama.
Matatandaan na sa kabila ng pagpapaseksi niya ay nakagawa rin siya ng mga sitcom at nakasama sina Ogie Alcasid, Michael V. at Joey de Leon.