Xian magba-basketball na lang muna?!
Ididirek next year pa
Direktor na si Xian Lim. Marami siyang ginagawang bago ngayon eh. Naglalaro na rin siya ng basketball sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL). Mukhang habang matumal ang takbo ng kanyang career bilang isang actor eh naghahanap naman siya ng ibang pagkakaabalahan.
Pero ewan nga kung bakit, ang una niyang sinabakang idirek ay isang indie film. Alam naman ninyo basta indie, kailangan makasali iyan sa isang festival dahil kung hindi ka sasabay, mahihirapan ka namang makakuha ng playdate sa mga sinehan. Dala na kasi ang mga sinehan eh, nalulugi lang sila sa indie.
Pero itong pelikula ni Xian, isasali raw sa Cinemalaya sa susunod na taon pa. Ibig sabihin maghihintay ng isang taon pa ang kanyang proyekto bago mapanood. In the meantime, ano iyon maglalaro na lang muna siya ng basketball?
Rating ng CEB ‘di madadaan sa impluwensiya
Matapos ulanin ang parada sana ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), may controversy pa silang sinasabi. Iyon daw kasing nanalong best picture sa Urian nitong taong ito, ang Balangiga, ay binigyan ng Grade zero ng Cinema Evaluation Board.
Ang mga pelikulang sumasali sa PPP, karamihan diyan ay mga indie na mahihirapang kumuha ng sinehan, kaya nga sila sumasali para kahit na papaano makatikim naman ang pelikula nilang mailabas sa sinehan.
Pinipili rin nilang sumali sa PPP dahil iyon ngang CEB ay nasa ilalim ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Ibig sabihin umaasa sila na medyo lamang na sila sa review ng CEB at malamang sa hindi ay makakuha sila ng tax rebate. Basta kasi rated A, wala ka nang babayarang tax. Basta B, kalahati lang ang tax mo. Kung bigyan ka ng zero, bayad ka ng tax.
Eh ang tax, iyan ang pinaka malaking problema ng pelikula. Ang taas ng tax sa pelikula. Halos kinukuha na ang 54% ng kita ng isang pelikula. Iyong matitira, iyon lang ang paghahatian ng mga producer at mga may ari ng sinehan.
Pero kung kami ang tatanungin, walang controversy eh. Ang pelikulang iyan ay sinasabing pinakamahusay ng Urian base sa mga napanood nila, at iyon ang personal na choice ng mga member nila. Hindi naman nangangahulugan na basta nanalo sa Urian ok na iyon. Iba-ibang jurors, natural iba-iba ang choices. Isa pa, iba naman ang pamantayan ng CEB sa kanilang ratings. Iba rin ang mga member ng kanilang board kaya hindi katakatakang iba ang kanilang desisyon.
Ano ngayon ang gagawin mo diyan, bibigyan ba ng consideration dahil kasali sa PPP ng FDCP?
Basta ginawa nila iyan, masisira naman ang CEB, at sira rin ang FDCP. Lumabas na na graded zero ang pelikula, papaano mo pang babawiin iyon eh iyon din namang mga nagbigay ng zero ang muling manonood noon kung sakali.
Big bird ng Sesame Street kinopya ng starlet
Sorry ha, hindi kasi namin napapansin. Pero may nagpapalabas pa ba ng Sesame Street ngayon sa telebisyon? Noong araw kasi sikat na sikat ang palabas na iyan, at ang isa sa pinaka sikat na characters doon ay si Big Bird. Totoo ba iyong tsismis na “inspired by Big Bird” daw iyong ayos ng isang starlet sa isang okasyon na kanyang pinuntahan?
Nakita ko pictures, mukha ngang si Big Bird.
- Latest