Coco hindi pinalusot si Alden!

Coco

Umaga pa lang kahapon, may nag-leak na sa amin ng isang overnight survey. Ito ang survey na isinasagawa habang tumatakbo ang isang programa sa telebisyon. May mga tumatawag sa telepono at nagtatanong, mayroon din namang nagtatanong kinabukasan kung ano ang pinanood nila noong nakaraang gabi. In short, lehitimong survey iyan at mas pinaniniwalaan namin dahil sa kanilang ginagamit na samples.

 

Hindi mo mapapaniwalaan ang lumalabas sa social media, dahil ang isang tao ay maaaring mag-post kahit na isang libo sa isang gabi. Mayroon ngang hindi naman nakapanood pero nakakagawa ng posts. Dumating na kasi iyong panahon na mas marami na ang tinatawag na trolls kaysa sa lehitimong gumagamit ng social media kaya hindi na rin pinaniniwalaan iyan.

Doon sa ipinakita sa aming resulta ng overnight survey, walang nangyaring upset. Mas mataas pa rin ang Ang Probinsyano ni Coco Martin. Kung titingnan mo, three is to one ang ratio. Ibig sabihin ang serye ni Alden Richards ay tumaas lamang nang kaunti kaysa sa pinalitan nitong The Cure.

Sinasabi nga nila, si Coco hanggang probinsiya lamang ang pinuntahan. Si Alden, nagpunta pa sa abroad, pero hindi umubra. Kasi iyang panonood ng TV ay isang habit. Basta nasimulan na nila at nakawilihan ang isang show, ang hirap mo nang tapatan.

Isang magandang halimbawa, ang Eat Bulaga at It’s Showtime. Sinasabi namin nang diretso, sa palagay namin mas maganda ang program content ng Showtime. Ang Eat Bulaga, puro patawa na kung minsan hindi na rin nakakatawa talaga. Pero dahil habit na nga ng mga tao na basta tanghali panonoorin ang Eat Bulaga, hindi pa rin iyon matalo ng Showtime, kahit sa kanila ang mas mahusay na content.

Isa pa, siguro kung tau-tao talaga ang bilang, mas malakas talaga si Coco. Nakagawa na nga iyan ng pelikula na nakalaban kay Vice Ganda. Si Alden hindi pa nasusubukan sa “paying audience” dahil suporta lang naman sila ni Maine Mendoza noon kay Vic Sotto, na tinalo naman ni Coco.

Fans ni Nam Joo Hyuk nawala sa huwisyo

Nang dumating dito ang Koreanong si Nam Joo-Hyuk, hindi namin pinansin. Aaaminin naming naiinis kami sa ganyan. Dahil ang daming mga artistang Pinoy na kaya naman ang ginagawa ng mga Koreanong iyan. Aywan nga ba kung bakit sila pa ang kinukuha sa pagmomodelo ng mga middle priced shirts lang naman. Tumataas ang presyo ng mga t-shirts na tinda dahil sa laki ng gastos sa advertising at ibinabayad sa mga modelong Koreano, na kung hindi baka wala pang isandaan ang mga kamisetang iyon.

Anyway, mayroon kaming isang kaibigan na nagpakita sa amin ng isang video. Nagkaroon yata ng fans’ day ang Koreano at inakyat siya ng mga fans sa stage, at kitang-kita mo na may babae pa naman na hinihipuan na siya sa maseselang bahagi ng katawan. Aba nakakahiya na ang ginagawang iyan mga kabataang Pinay ngayon. Hindi mo aasahang gagawin iyan ng mga babae noong araw. Makikita mo ngayon na halos wala na yatang values na natututuhan ang mga bata.

Iyan kasi ang nakikitang ginagawa ng fans na wild sa ibang bansa, at ginagawa na rin nila rito ngayon. Dapat ba namang hipuan mo iyon kahit na anong laki pa ng pag­hanga mo? Isa pa, nagpabaya rin naman ang security nila kaya nangyari ang ganun.

Minsan sobra na rin naman talaga ang fans eh. Umayos nga kayo.

Show comments