Sariling tent, make up artist, stylist at cut off time ang request ng showbiz personality nang imbitahan ito na umapir sa isang television show.
Pinagbigyan ng production staff ang hiling na sariling tent ng showbiz personality pero hindi ang request nito na make up artist at stylist dahil wala ito sa budget ng kanilang programa.
Pumayag din ang production staff sa cut off time na request ng showbiz personality pero na-late ito ng dating sa set. Nag-sorry naman siya pero na-delay pa rin ang taping dahil hinintay ang arrival niya.
May karapatan ang mga artista, lalo na ang mga veteran star na mag-request ng cut off time pero hindi ang mga artista na malalakas pa sa kalabaw at malalaki ang talent fee.
Bago magreklamo ang mga artista na pagod at puyat na sila, tumingin muna sila sa paligid nila dahil di-hamak na mas pagod at nagdurusa ang mga personal assistant, cameramen, utility, make up artist etc. na barya-barya ang mga suweldo kung ikukumpara sa kanilang mga matataas na talent fee.
At kung may demand kayo na cut off time, siguraduhin na maaga kayo na dumarating sa set para hindi maabala ang trabaho ng lahat.
Nanay ng Chiong Sisters ‘Di kinaya ang ginawa ng anak ni Carlo
Nag-walk out pala si Mrs. Thelma Chiong sa premiere night ng Jacqueline Comes Home sa Cebu City noong Martes nang ipakita ang rape scene nina Meg Imperial at Donnalyn Bartolome.
Hindi raw nakontrol ni Mrs. Chiong ang emosyon dahil bumalik sa alaala niya ang nakaraan, ang brutal na karanasan ng kanyang mga anak na sina Marijoy at Jacqueline.
Kahit nakakulong ang mga suspect, hindi maituturing na may closure ang kaso dahil hanggang ngayon, hindi pa natatagpuan ang bangkay ni Jacqueline.
Dalawampu’t isang taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang krimen pero sariwa pa ito sa memory ni Mrs. Chiong na biktima rin ng mga bashing ng millennials na naniniwala na inosente ang suspect na si Paco Larrañaga.
Ang millennials ay wagas ang panawagan na buksan muli ni President Rodrigo Duterte ang kidnap/rape/murder case ng Chiong sisters dahil kumbinsido sila na nagkaroon ng mistrial.
Ang Let Paco Come Home ang pantapat ng sympathizers ni Paco sa Jacqueline Comes Home, ang pelikula ng Viva Films na hindi inaasahan na magiging maingay at nag-trigger para mapukaw ang interes ay panoorin ng publiko ang old documentary movie na Give Up Tomorrow na pro-Paco Larrañaga.
Alfred walang ideya sa hiwalayang Bianca at Miguel
Kung kailan malapit nang matapos ang Kambal, Karibal, saka lumabas ang mga tsismis na hiwalay na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.
Sa true lang, ang dami-daming tsismis tungkol sa stars ng Kambal, Karibal pero sila lang ang makapagpapatunay kung true or false ang mga intriga.
Cast member ng Kambal, Karibal si Alfred Vargas pero hindi ko siya tinatanong dahil sure ako na wala akong maririnig mula sa kanya.
Puro work ang ginagawa ni Alfred at kadalasan, nasa ibang unit siya kaya hindi niya alam ang mga nangyayari sa kanyang co-stars.
Naka-focus din ang atensyon ni Alfred sa constituents niya sa District V ng Quezon City at sa State of the Nation Address ni President Rodrigo Duterte na magaganap bukas kaya wala siyang time para sa mga showbiz issue.