Noong isang gabi, habang kami ay nasa coffee shop at malakas ang ulan, napagkuwentuhan namin ang mga natawag na box office queens.
Ang kauna-unahang box office queen ay si Vilma Santos matapos makagawa ng limang pelikulang sunud-sunod na puro hits at ang bawat isa ay lumampas sa kinita ng sinundang pelikula.
Tapos tinawag din si Sharon Cuneta na box office queen, matapos naman siyang gumawa ng pitong hits na sunud-sunod at lampas din ang mga kinita sa bawat pelikula. Pero sabi nga nila, kung ganoon ang batayan, maliban kina Ate Vi at Sharon, wala nang matatawag na box office queen. Kaya ang ginawa nila, kahit na sino na may pinaka-malakas na pelikula sa taong iyon, box office queen na.
Pero kapansin-pansin na sa pagdaraan ng panahon bumabagsak din kahit na ang mga kinilala nilang box office queen. Iyong isa nga lately, ang pelikula ay naging certified flop at sinasabi ng mga insider na ang totoo ay kumita lang ng 56 million nationwide sa loob ng isang linggo.
Kung titingnan mong mabuti, mukhang sa lahat ng mga natawag na box office queens, si Ate Vi na lang yata ang wala pang nagagawang pelikulang flop.
“Nagkaroon din naman ako ng mahihinang pelikula noong araw. Sadly kabilang iyon sa mga pinaka magagandang pelikulang nagawa ko, pero sabi nga nila hindi pang-masa. Ipinagpapasalamat ko naman na kahit na may mga pelikula akong mahina, hindi naman ako umabot doon sa level na flop talaga. Wala naman akong natandaang na-pull out ang pelikula ko sa mga sinehan, o tinanggihan ng mga sinehan. Pero hindi mo masisisi ang artista eh, nasa project iyan. Kaya ako diyan maingat na maingat, sa pamimili ng projects na gagawin. Kung hindi rin lang sigurado, at saka na lang,” ang sabi ni Ate Vi.
Tama naman siya, kaya nga hindi pa niya nararanasang maging flop ang pelikula.
Fans ni Amalia nag-react sa ginawa ni NiÑo
Nakita namin ang video ng pagdalaw nina Niño Muhlach at ng kanyang anak na si Alonzo sa movie queen na si Amalia Fuentes, na alam naman nating nagkaroon ng stroke at hindi pa nakaka-recover nang husto hanggang sa ngayon. Maliwanag ang intensiyon ni Niño nang i-post niya ang nasabing video. Iyon ay para malaman ng fans ni Amalia na mas mabuti na ang kalagayan niya ngayon. Marami rin kasi talaga ang nagtatanong ng sitwasyon niya.
May nagsabi rin naman na sana hindi na muna inilabas ang video, lalo na iyong bahaging nauutal pa talaga sa pagsasalita si Amalia. Marami kasi sa kanyang fans ang gustong matandaan siya sa dati niyang ayos na napakaganda, kaya nga siya tinawag na Elizabeth Taylor of the Philippines noong araw. May nagsasabi namang mukhang mas ok nga siya dahil nabawasan na ang kanyang timbang.
Kanya-kanyang opinion iyan. Pero ang mahalaga, mas ok na siya ngayon.
Mga pelikulang ‘di kumikita, maraming block screening
Pagka-nababalitaan ninyo na ang isang pelikula ay napakaraming “block screening” sa mga sinehan, ibig sabihin talagang naghahakot na lang sila ng tao para may manood ng pelikulang iyon. Maliwanag na ang pelikula ay flop. Hindi totoo iyong gusto nilang palabasin na kaya block screening para may guaranteed seats lang dahil pagkatapos naman noong mga block screening nila, maliwanag na wala nang pumapasok sa kasunod.
Ang isang pelikulang flop talaga, hindi maitatago. Parang bagoong iyan eh, itago mo man tiyak na maaamoy.