Mangyayari bago matapos ang 2018 ang balak na pagpapakasal ng showbiz couple pero inililihim muna nila.
Sinabi naman ng aktres na naghihintay lamang sila ng tamang panahon ng kanyang dyowa para sa official announcement.
Ayaw ng aktres na pangunahan ang kanyang future husband dahil gusto nito na handang-handa na ang lahat bago nila ipaalam sa publiko ang kanilang plano na pag-iisang dibdib.
Simple at very private wedding ang gusto ng mag-dyowang aktor at aktres pero naloka ang lahat sa pralala na hindi bababa sa limangdaan ang bilang ng kanilang invited guests.
Kris at Noynoy sanay na sa tampuhan
OA ang reaksyon ng fans sa admission ni Kris Aquino na three months na silang hindi nag-uusap ng kanyang Kuya Noynoy dahil may tampuhan sila.
Nagkasakit si Joshua Aquino na favorite nephew ni Noynoy kaya may-I-text ito ni Tetay. Dumating agad sa ospital ang ex-president para dalawin at kumustahin si Josh, isang sign na hopefully, the end na ang tampuhan nila ni Tetay.
Big deal sa ibang fans ang pag-amin ni Kris tungkol sa tampuhan nila ni Noynoy.
Maiksi ang memorya ng fans na kiyeme-kiyemeng nagulat sa balita dahil kung talagang idol nila si Tetay, alam nila na hindi na baguhan ang tampuhan portion ng magkapatid.
Open secret na hindi kinausap ni Noynoy si Kris noong makipagrelasyon ito kay Phillip Salvador at dahil blood is thicker than water, nagkasundo uli sila.
Normal lang sa magkakapamilya at magkakapatid ang magkaroon ng tampuhan at hidwaan. Mas matindi pa ang nababalitaan natin na magkakapatid na nagdedemandahan dahil nag-aaway sila sa mga ari-arian na iniwan ng kanilang mga magulang.
I’m sure, minor lang ang dahilan ng tampuhan nina Tetay at Noynoy kaya hindi dapat magpaapekto ang fans na sari-sari ang mga speculation tungkol sa ugat ng hindi pag-uusap ng tatlong buwan ng magkapatid.
Martin nag-promote sa Malacañang
Marami ang naintriga sa pagsipot kahapon ni Martin Nieverra sa press briefing ni presidential spokesperson Harry Roque.
Asking ang lahat kung may posisyon na ba si Martin sa Duterte government kaya nag-attend siya sa press briefing?
Iba ang duda ko, sure ako na may kinalaman ang talk show ni Martin sa ANC kaya umapir siya sa press briefing kahapon.
Hindi lang nanood ng press briefing si Martin dahil nagtanong din siya kay Roque at nagsalita ng “He’s the best singing president among all the presidents” kaya natawa ang Malacañang press corps.
Minahal naman si Martin ng mga DDS dahil sa pagpuri niya sa singing talent ni Papa Digong.
Si Martin ang host ng LSS: The Martin Nievera Show na napapanood tuwing Lunes sa ANC at puwedeng may interview siya kay Spokesperson Roque kaya sumali ang singer-television host sa press briefing. Higit sa lahat, ang press briefing sa Malacañang Palace ang perfect venue para i-promote ang kanyang show sa ANC.
Anne tuhog sa NY at Korea
Absent pa rin si Anne Curtis sa It’s Showtime dahil mula sa New York, dumiretso siya sa South Korea para sa Asian premiere ng BuyBust, ang action movie niya na umaani ng mga papuri mula sa film critics.
Walang pahinga si Anne sa pagpo-promote ng BuyBust sa New York Asian Film Festival at sa Bucheon International Fantastic Film Festival ng South Korea.
Nauna pa na mapanood sa New York at South Korea ang BuyBust dahil sa August 1 pa ang showing nito sa mga sinehan sa Pilipinas.