Nabaliw ang fans nang mapanood nila ang mga eksena sa pelikula ng isang aktres na hindi nakaranas na magkaroon ng mga acting nomination, kahit ilang dekada na ang showbiz career niya.
Never na natuto na umarte ang aktres as in naging mapalad lang siya dahil nabigyan noon ng mga acting assignment sa telebisyon at pelikula.
Nanay na ang mga karakter na ginagampanan ng aktres at nawindang ang fans dahil iba-iba ang kanyang pronunciation sa pangalan ng bagets na gumanap na anak niya sa isang pelikula.
Hindi lang ang pagiging bano ng aktres ang sinisisi ng fans. Imbyerna rin sila sa direktor ng pelikula dahil pinalampas nito ang mali-maling pagbigkas ng aktres sa pangalan ng bagets na kasama niya sa eksena.
Baeby Baste hindi pa nakaka-recover sa dengue
Hindi pa napapanood sa Eat Bulaga ang child actor na si Baeby Baste dahil nagpapagaling pa ito.
Missed na missed na ng Eat Bulaga viewers ang presence ni Baste sa number one noontime show ng bansa dahil nasanay na sila na napapanood ang bagets mula Lunes hanggang Sabado.
Ang dengue illness ni Baste ang dahilan kaya ang another child actor na si Yuan Francisco ang napanood sa episode ng Daig Kayo ng Lola Ko noong nakaraang linggo. Hindi pa puwedeng mag-taping para sa nasabing serye at umapir sa Eat Bulaga si Baste dahil on the road to recovery pa lang siya.
Dyan may record sa kakaibang attitude
Mabilis na natapos ang isyu tungkol sa “your president” address ni Dyan Castillejo kay President Rodrigo Duterte nang interbyuhin niya si Senator Manny Pacquiao nang mag-win ito sa laban nila ni Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur, Malaysia nung Linggo.
Hindi pinatulan ni Dyan ang mga panglalait sa kanya ng supporters ni Papa Digong kaya kusang namatay ang isyu.
Hindi first time ni Dyan na masangkot sa kontrobersya. A few years ago, ang staff ng isang restaurant sa Centennial Terminal ng Ninoy Aquino International Airport ang personal na nagreklamo sa akin tungkol sa pagtataray sa kanila ni Dyan na gustong maki-charge ng na-low batt na cellphone nito.
Tiyempo lang na pumasok ako sa restaurant para magmiryenda bago ang flight namin at dahil nakilala ako ng staff, super complaint sila sa naging trato ni Dyan sa kanila.
Detalyado ang kuwento ng restaurant staff na isinulat ko noon sa column ko sa PSN (Pilipino Star NGAYON) at ibinalita ko sa DZBB. Uso pa noon ang mga showbiz talk show kaya pinuntahan ng mga reporter ng isang television show ng GMA 7 ang restaurant sa Centennial Terminal para interbyuhin ang mga nagreklamo na staff.
Biglang nagbago ang ihip ng hangin dahil todo-deny na ang staff dahil wala raw ganoong insidente na nangyari. I’m sure, may nangyari na hiwaga kaya biglang afraid na magsalita ang restaurant staff na wagas at detalyado ang kuwento noong kausap nila ako.
Nakarating kay Dyan ang balita at in fairness sa kanya, nag-reach out siya sa akin. Sinabi ko kay Dyan na hindi tsismis at lalong hindi imbento ang ibinalita ko dahil ako mismo ang nakausap ng staff ng restaurant na hindi napanindigan ang kanilang mga emote laban sa sports reporter ng ABS-CBN na understandable bilang scared sila na mawalan ng trabaho.
Napanood ko ang pinag-uusapan na interview ni Dyan kay Papa Manny sa Kuala Lumpur noong Linggo at nang i-address niya na “your president” si Papa Digong, feel ko agad na hindi palalampasin ng Duterte loyalists ang kanyang ginawa na napanood sa national television.
Ang mga panglalait kay Dyan ang dahilan kaya nag-flashback sa akin ang airport incident.