Matapos ngang kumalat ang usap-usapan na tinanggihan na daw ng ABS-CBN ang aktor na si John Lloyd Cruz, agad silang naglabas ng public announcement na ‘John Lloyd will always be a Kapamilya.’
May kumakalat ding balita na lilipat na raw sa kalabang network si John Lloyd, na imposible namang mangyari.
Kahit pa tumagal ng ilang taon ang indefinite leave ng aktor, nananatili siyang nakatali sa ABS-CBN at ang lahat ng mga probisyon ng kanyang dating kontrata ay nananatili. Maliban kung ang network mismo ang mag-terminate ng nasabing kontrata.
Hindi pa tapos ang kontrata niya noong magkaroon ng problema at naisipan niyang magkaroon ng indefinite leave. Dahil leave nga lamang, hindi tumatakbo ang time clause ng kanyang kontrata. Ibig sabihin nananatili siyang nakatali sa kontratang iyon sa parehong panahon nang iwanan niya iyon nang pansamantala. Hindi dahil nawala ka ng dalawa o tatlong taon libre ka na at tapos na ang kontrata mo. Sa panahong hindi ka nagta-trabaho natural na suspendido rin ang time clause ng kontrata.
Kung matapos ang panahong iyon at sa tingin ng network ay hindi ka pakikinabangan dahil sa matagal na absence, hindi mo mapupuwersa ang network na ituloy iyon, kasi ikaw ang umalis at hindi naging available at maaari kang bigyan lamang ng release. Iyong guaranteed income mo sa ilalim ng kontrata, waived na rin iyon dahil ikaw ang hindi naging available sa panahong kailangan ka nila.
Ganyan ngayon ang status ng kontrata ni John Lloyd. Maaaring sabihin na tagilid siya sa sitwasyon pero siya kasi ang pumasok sa sitwasyong iyon at ganoon talaga ang mangyayari.
Lani mas piniling kumita muna ng peso kesa dolyares
Masasabing napakalaking sakripisyo para kay Lani Misalucha na kailangan niyang iurong ang kanyang mga concert sa US, karamihan ay sa Las Vegas, para magawa niya ang TV show na The Clashn sa GMA 7.
Hindi man niya sabihin, mas malaki ang kikitain niya sa mahigit na isang oras lamang na concert kaysa sa kanyang TV show. Dahil napakadalas naman ng kanyang mga concert doon, baka nga isang rehearsal lamang na kasama ang banda ang gagawin niyang paghahanda sa bawat show.
Isa pa, mapapalayo siya sa kanyang pamilya, lalo na sa mga mahal na mahal niyang apo. Isipin ninyo, napakabata pa ni Lani may apo na. Maaga rin kasi siyang nag-asawa at maaga ring nag-asawa ang kanyang mga anak.
Pero nakaka-excite din. Kahapon napanood naming muli si Lani na ka-duet si Regine Velasquez. Matindi talaga ang kanilang song number at siguro kung ganyan nang ganyan, siguradong tatalunin nila ang kanilang makakalabang show.
Talent manager/movie reporter, harap-harapang naninira ng kapwa para makapanulot
Hindi lang pala mahilig manulot, mahilig ding manira ang hindi mo malaman kung talent manager o movie reporter na iyan. Kung iisipin mo, unethical ang sinasabing kritiko ka tapos talent manager ka. May magkaibang interest eh. Maaari mong siraan ang iba pabor sa iyong talents.
Pero ang masama, bukod doon, naninira rin pala siya ng kapwa niya talent manager sa harapan pa mismo ng mga sikat na personalities. Ano kaya ang motibo niya sa kanyang ginagawa? Gusto ba niyang magpa-impress o gusto niyang manulot na naman?