Iyang paggawa ng pelikula ay nasa tamang timing din naman. May kanya-kanyang diskarte iyan eh. May mga artistang naniniwalang para mapanatili nila ang kanilang popularidad, hindi dapat na sunud-sunod ang mga pelikula nila at baka magsawa naman ang mga tao. Mayroon namang ang talagang hinahanap ay isang magandang proyekto na masasabing magiging bahagi na ng kanyang legacy. Mayroon din namang nagpipilit pa, para makabalik sa dating estado ng popularidad.
Siguro nga si Congresswoman Vilma Santos iyong talagang naghahanap na ng magandang proyekto. Siguro nga ang mga pelikulang iniisip niyang gagawin ngayon ay iyong bahagi na ng kanyang maiiwang legacy. Mahigit na kalahating dantaon na naman siyang isang aktres. Masasabing nagawa na niya ang lahat ng roles. Minsan nga natatawa siya habang inaalala ang mga nagawa niyang mga pelikulang gaya ng Relasyon, Sister Stella L, at marami pang iba. Pero inaamin din naman niyang gumawa siya ng pelikulang kagaya ng Vilma and the Beep Beep Minica.
Hindi lang scripts ang ipinadadala sa kanya. Minsan nga may isang producer na talagang sinadya siya. Nagsama ng lahat ng padrino at iniaalok sa kanya ang isang pelikulang mahalaga para sa producer noon. Pinag-aralan naman iyon ni Ate Vi, pero siguro nga hindi rin siya na-excite sa project kaya sinabi niyang puwede, pero hindi pa niya magagawa iyon sa ngayon.
Masyado nga kasi siyang busy sa kanyang trabaho, at siguro isang pelikula lamang na sa palagay niya ay magiging maganda talaga ang kanyang isisingit kung puwede.
Nalulungkot ang mga fans niya, kaya kadalasan inaaliw na lang nila ang sarili nila sa pamamagitan ng kanilang mga posts sa social media. Binabalikan nila ang nakaraang panahong marami silang ginagawa para kay Ate Vi. Pero naiintindihan naman nila kung bakit ganoon ang kanilang idolo.
Hindi naman dahil sa tinatamad na siya sa pelikula kung hindi gusto naman niyang magagandang proyekto ang maiwan niya kung sakaling mag-retire na siya.
Mga kanta ni Richard Reynoso, mabenta pa rin
Narinig namin iyong bagong album ng aming kaibigang si Richard Reynoso, iyong Walang Kapantay. Puro mga klasikong awiting Filipino ang kabilang sa album, kagaya ng Dahil sa Iyo, Maalaala Mo Kaya, Minamahal Sinasamba at iba pang mga awitin na binigyan ng bagong areglo.
Ito iyong album na mga tipong kundiman pero maa-appreciate ng mga kabataan, kasi nga modern na ang areglo at pagkakakanta.
Sigurado mahal din ang pagkakagawa ng album. Kung iisipin mo kung gaano kataas ang royalty ng mga klasikong awitin na kagaya ng mga isinama niya, pero iyon naman ay magiging bahagi na rin ng legacy niya hanggang sa kanyang pagtanda.
Paolo at Sebastian pilit pinaghiwalay?!
Split na raw sina Paolo Ballesteros at Sebastian Castro. Tumagal lamang ng tatlong buwan ang kanilang relasyon na sinasabi nga ni Sebastian na nakita nilang dapat na rin nilang tapusin.
Obvious na nagkaroon ng problema. Siguro iyan nga ay may kinalaman doon sa sinasabing utos ng mga may kinalaman sa career ni Paolo na huwag siyang magpapa-identify nang husto sa relasyon nila ng model.
Hindi rin naman iyan ang unang gay to gay relationship ni Paolo kaya palagay namin ok lang naman iyan sa kanya.