Nakakalungkot din naman iyong dahil sa mga napapabalitang anomalya lately, napag-iinitan na naman ang mga artistang pumasok sa government service. Masakit pakinggan sa pandinig iyong sabihing “palibhasa hindi na kumikita ang mga artista kaya sa graft and corruption bumabaling”. Bagama’t hindi namin masasabing talagang mali ang mga bumabanat na iyan sa mga artista, hindi rin naman namin matatanggap na tama ang kanilang sinasabi.
Maraming mga artistang naglilingkod sa gobyerno na may magandang service record. Hindi lahat ng mga artista ay nadamay sa anomalya. Isa pa nga, hindi ba mas maraming abugado sa gobyerno, at may mga doctor din o kabilang sa ibang propesyon na nasasangkot din sa mas malalaking anomalya pa? Bakit mga artista lamang ang binabanatan nila?
Ano ang masasabi ninyo halimbawa kay Congresswoman Vilma Santos? Siyam na taon siyang mayor ng Lipa. Siyam na taong gobernador ng Batangas. Ngayon magdadalawang taon nang congresswoman pero minsan man sa loob ng dalawampung taon ay walang kinasangkutang anomalya, at pinaparangalan pa dahil sa kanyang tapat na serbisyo.
Ano ang masasabi ninyo sa kagaya ni Mayor Richard Gomez, na bago pa man mahalal ay naglilingkod na sa kanyang bayan at nang maging mayor naman ay mas nakita pa nila kung papaano siyang magbigay ng serbisyo sa bayan. Hindi mo masasabing walang trabaho iyan sa showbusiness, isa siya sa pinaka in demand na actor kahit na ngayong tinatanggihan niya ang lahat ng offers sa kanya. May maibubutas ba sa kanyang ginagawang serbisyo?
Kaya sana naman, kung mayroon mang gumagawa ng kalokohan sa gobyerno, huwag naman i-single out ang mga artistang government official. Mayroon nga sigurong nasasangkot sa mga hindi magandang usapan, pero hindi lahat. May mga artistang isinakripisyo ang kanilang career para makapaglingkod lang nang tapat sa bayan.
Bagong Duchess of Sussex paborito rin ang adobo
Hindi kami mahilig sa mga okasyong sosyalan. Hindi kami kabilang sa naghintay sa telebisyon para lang mapanood ang kasalan nina Prince Harry at Meghan Markle. Palagay kasi namin, bagama’t marami ang naging interesado sa balitang iyan, wala namang kinalaman ang buhay ng mga Pilipino sa pangyayaring iyan.
Ang nakatawag sa amin pansin ay isang maikling video na nakuha ng ABS-CBN, mula sa isang citizen na nagpadala noon sa kanila. Binati niya sa isang okasyon si Meghan, na mukhang natuwa noong malaman na siya ay isang Pilipino, at nang may iabot siyang alaala sa bagong prinsesa, ang sinabi noon ay “salamat po”. Gumamit siya ng salitang Pilipino. Nalaman din namin na marunong siyang magluto at isa sa paborito niya ay adobo. Iyang si Meghan kasi ay lumaki sa California kung saan maraming Pilipino, at naniniwala kaming marami siyang naging kaibigang pinoy doon.
Iyon ang ikinatuwa namin sa lahat ng aming napanood.
Young actress wasak ang career dahil sa sex video
Talagang sobra raw ang pagsisisi ng isang young female star na tuluyan nang nasira ang maganda na sana niyang career, dahil lamang sa kumalat niyang sex video, na ginawa niya dahil lamang sa katuwaan nilang magkakaibigan.
Kung minsan iyang katuwaan, hindi talagang nakakatuwa kaya hindi dapat na ginagawa kung hindi na tama.