Nakapag-muni muni na Sarah game na ulit humataw!

Sarah Geronimo

Matapos makapagpahinga ng ilang araw, handa na raw muling harapin ni Sarah Geronimo ang kanyang trabaho.

Talaga kasing marami na ang nangungulit na gustong mapanood ang kanyang This I5 Me concert sa mga probinsiya, dahil iyon naman ang pangako nila. Hindi lang kasi iyan concert, bale pagpapasalamat din ‘yan ni Sarah sa fans na sumuporta sa kanya sa loob ng 15 taon.

Ngayon lang nagsama-sama

Ang bumulaga sa amin kahapon ay isang picture na mukhang first time lang nangyari. Nasa isang picture ang lahat ng walong anak ni Cheng Muhlach. Kuha iyon sa second night ng wake para sa kanya sa Heritage Memorial Chapels. Lahat ng mga anak ng Cheng kilala naman sa showbusiness. Bale tatlo lang kasi sa kanila ang hindi nag-artista.

Nagsimula si Aga Muhlach. Sumunod ang nakatatanda niyang kapatid na si Arlene. Tapos lumabas na si Almira. Naging artista na rin sina AJ at si Andrew. Tatlo ang wala sa showbiz, si Albert na bale bunso nina Aga, si Aaron o Barok na naging anak naman ni Cheng sa aktres na si Beth Bautista, at isa pang anak na babae, si Andrea.

Lahat naman ng mga anak niya ay naiwan niyang may maganda nang buhay. Iyon ang isang bagay na ipinagmamalaki naman ni Cheng noong nabubuhay pa siya, hindi siya naging pabayang ama sa sino man sa kanyang mga anak. Iyan ngang si Andrew noong maliit pang bata, madalas na kasama iyan ni Cheng at ipinapasyal sa Star City.

Iyong pamangkin naman niyang si Niño Muhlach, halos parang anak na rin iyan ni Cheng dahil siya ang nag-alaga sa career ni Niño noong panahong iyon. Siya ang nagbubuo ng kanyang mga pelikula, at aminado si Niño na tumutulong pa rin si Cheng maski na sa career ng kanyang anak na si Alonzo.

“Si Papa kasi maski noong araw, office lang siya doon sa Wonder eh. Si Tito Cheng talaga iyong nakikipag-usap sa mga tao kaya mas maraming kakilala. Maraming kaibigan, at hanggang ngayon sila pa rin naman ang mga tao sa showbiz,” sabi ni Niño.

Pero aywan kung bakit, sinasabi nga rin nila na nitong mga nakaraang araw, talagang lahat ng okasyon sa pamilya pinupuntahan ni Cheng. Madalas ding nakakasama niya ang kanyang mga anak sa lakaran na para bang sinasamantala niya ang panahon na makasama sila. Siguro nga pangitain na iyon na malapit na rin ang katapusan.

Maski sa mga kaibigan ay ganundin siya. Huli namin siyang nakausap sa phone noong nakaraang linggo, na may request na huwag daw naming isusulat.                            

Indie actor na sumubok ng kapalaran sa Macau umuwing luhaan

Nagkuwento sa amin mismo ang isang male starlet. Nagpunta raw siya sa Macau dahil sa pangako ng isang kaibigan na ipapasok siya sa trabaho roon. Wala na kasing trabaho halos dito lalo na para sa kanilang dati ay mga indie films ang ginagawa.

Bihira na nga, barya pa ang bayad. Kaso muk­hang may mali. Ginastos na niya kung ano man ang naiipon niyang pera papunta sa Macau, tapos pagdating doon at saka sinabi sa kanya na hindi pa siya maipapasok sa trabaho, at baka nga raw sa susunod na buwan pa, pag-uwi naman sa Pilipinas ng ibang mga Pinoy na hosto rin doon.

Nagbalik na lang siya sa Pilipinas, hindi nakapagtrabaho at wala na ring pera.

Show comments