Aywan namin kung magkano nga ba ang kikitain ni AiAi delas Alas bilang manager ng Ex Battalion, pero palagay namin lalabas na abunado pa siya at maluluma siya kung maghahabol nga siya sa mga kandidato sa barangay na illegal na gumagamit ng kanta ng kanilang mina-manage na grupo.
Aba sa lahat ng narinig namin sa mga napuntahan naming lugar, hindi lang yata sampung kandidato ang narinig naming gumagamit ng tono ng kanta ng ExB para sa kanilang jingle.
Ang isang problema kasi, may nakukunan ng minus one ng mga kanta, at madali lang sa kanila na maghanap ng magra-rap na iba na ang lyrics, kampanya na nila.
Hindi lang naman ang talents ni AiAi ang biktima nang ganyan. Marami pang ibang komposisyon na ganyan din. Hindi ba noong araw, hindi lang ang gamit sa pag-iikot sa mga kalye, ginagamit maski na sa commercials nila sa radyo at telebisyon maski na ang mga rap songs ni Francis Magalona, na original.
Iyong ibang rap, gumagamit ng mga kantang dayuhan, piracy na rin iyon in a way dahil hindi naman sila nagbayad ng mga artist para sa ginawa nilang adaptations. At mas matindi ‘yun dahil international piracy na iyon.
Ang nangyayari kasi sitahin mo, titigil lang sila, pero kukuha na naman ng tono ng iba. Isa pa, ang sa barangay ang hirap mong mahuli dahil limited lang naman ang lugar na ginagamitan nila, wala namang commercial sa radyo at tv ang mga ‘yan. Kung idemanda mo man iyan, ano nga ba ang makukuha mo eh wala namang budget talaga ang mga iyan at saka sampung araw lang ang kampanya. Sampung araw lang gagamitin iyan. Magkano na lang din ang royalty na makukuha mo riyan?
Magkano ang filing fee kung sasampahan mo sila ng kaso sa korte? Magkano ang bayad mo sa isang abugado para sa bawat sasampahan mo ng kaso?
Wala rin kaya maluluma ka lang kung hahabulin mo pa ang mga iyan. Hindi mo rin naman masasabing huwag iboto ang gumagamit ng mga kanta na hindi man lang nagpapaalam, artista rin naman si AiAi. Baka mag-boomerang naman sa kanya ang ganoong move.
John Lloyd ayaw nang balikan ang career?!
Naghintay talaga sila ng isang taon matapos na umalis si John Lloyd Cruz.
Umaasa kasi silang babalik pa iyon sa kanilang sitcom, pero hindi nangyari. Kaya ngayon ang drama hihingi na ng annulment sa kanilang kasal ang kanyang asawa.
Lumalabas na sumulat si John Lloyd, na may iba na siyang affair.
Isang taon din naman silang umasa kung babalik pa nga si John Lloyd. Akala nila matatakot ding mawalan ng career eh, kaso hindi pala.
Sexy star na bangag bangag sa party, kumakalat na ang video scandal
Mayroon din daw isang female sexy star na may sex video rin pala na nagsisimula nang kumalat.
Mas mabilis kumalat ang mga ganyan ngayon sa panahon ng internet, kaysa noong panahon pa ng betamax at VHS. Pero ang sabi ng gaming source na nakapanood ng sex video, halata naman daw lasing o bangag ang sexy star. Hindi rin ipinapakita ang mukha ng kanyang partner. Pero ang mukha ng sexy star, talagang ipinapakita at nakaharap sa camera.
Iyan ang sinasabi namin, sige magparty-party pa kayo. Basta nabanatan kayo ng ecstasy, bangag na may video pa kayo.