MANILA, Philippines — Kabilib-bilib ang malaking pagtitiwala ng GMA kay Julie Anne San Jose.
Hindi lamang sa aktres may tiwala ang Kapuso Nework kundi sa tipo ng programa na isusunod nila sa Ang Forever Ko’y Ikaw na bagaman at isa ring romcom ay may temang musikal na siyang gustung-gusto ng manonood ng TV.
Ngayon pa lamang ay inaabangan na ang isang song na itatampok sa serye na baka isang orihinal ni Julie Ann. Inaabangan na rin ang pagpapamalas ni Julie Ann ng kahusayan niya sa gitara kasama sina Gil Cuerva at Kiko Estrada.
Ice ‘di nabahag ang buntot!
Isa ako sa mga pumalakpak nang kayaning ilabas ni Aiza “Ice” Seguerra ang sarili niya sa isyu na ibinibintang sa kanya na may kinalaman sa pera bago pa ang nakakagulat na resignation niya bilang pinuno ng National Youth Commission.
Maraming taga-showbiz at maski na non-showbiz ang nagkaroon ng isyu sa pera ng gobyerno pero, hinayaan na lamang ang panahon ang siyang lumutas ng kanilang problema.
Sayang at hindi natapos ni Ice ang kanyang serbisyo. Umalis at nag-resign siya bago pa siya makulapulan ng putik. Nakakatuwang sa isang event pa ng showbiz, sa launching ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na itinataguyod ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ng asawa niyang si Liza Diño ay nabigyan linaw ni Ice ang hindi magandang pagtatangka na dumihan ang malinis niyang pangalan at imahe bilang lingkod publiko.
Matteo naudlot ang pagiging salbahe
Gwapo pala si Matteo Guidicelli. Kitang kita ito sa serye niyang Bagani na mabuti naman at hindi na itinuloy ang pagiging kontrabida niya. Tutul na tutol dito ang mga fans nila ni Sarah Geronimo. Balik na siya sa pagiging Bagani bagaman at wala pang kapalit si Sofia Andres. Hindi pa pwedeng palitan si Liza Soberano dahil kahit patay na ang character niya ay kasama pa rin siya sa serye. Lubha namang napakabata pa ni Zaijian Jaranilla para malinya kina Enrique Gil, Matteo, Makisig Morales at Liza.