Pelikula nina Barbie at Derrick nilangaw, na-pull out agad sa mga sinehan!

Derrick Monasterio at Barbie Forteza

Maski kami ay nalungkot nang mabasa namin ang isang post ng aktres na si Barbie Forteza sa kanyang social media account, na nagsasabing nalulungkot siya dahil may nagsabi raw sa kanya na gustong mapanood ang kanyang pelikula pero wala na iyon sa mga sinehan, na-pull out na agad.

Iyan ang isang masakit na katotohanan sa industriya ng pelikula ngayon. Basta sa unang sabak ay mahina na ang pelikula mo, asahan mo ang kasunod noon ay mawawalan ka na ng sinehan. Noong araw, kaya nga nasimulan iyang minimum guarantee ng mga sinehan eh, kahit na mahina ang pelikula, kung ang producer ay susugal pa roon sa paniniwalang baka kung kumalat na maganda ang pelikula ay kikita pa iyon, nagbabayad sila ng minimum guarantee.

Iyon namang guarantee ay hindi napakalaki, sapat lang para sa gastos sa kuryente, mga suweldo at maintenance ng sinehan. Pero ngayon may nangyayaring mga screening na hindi na natutuloy. Halimbawa, wala man lang tatlong nagbayad sa sinehan, hindi na itutuloy ang screening. Iyan naman ang nakakasira ng loob ng mga producers kaya pumapayag na lang silang alisin na nang tuluyan sa sinehan ang pelikula nila.

Hindi bale sana kung ang puhunan sa pelikula ay kuha naman sa pyramid scheme, kahit walang manood diyan gagastos ang producer, pero kung hard earned money nga ang puhunan, huwag na lang.

Ang pelikulang iyan ni Barbie ay hindi naman namin inaasahang magiging hit sa simula pa lang, pero hindi naman namin akalain na babagsak nang ganyan sa takilya. May mga fans naman si Barbie. Pero siguro nga maski sila hindi kumagat sa mga kuwento ng pelikula. Hindi kasi nagkaroon ng kilig sa tambalan nila ni Derrick Monasterio. Iyan naman kasing si Derrick, hindi mo malaman kung gusto bang maging wholesome matinee idol o gustong maging bold star. Lahat halos ng pictures niya nakahubad. Hindi iyon ang market ni Barbie, kaya parang mali ang kumbinasyon.

Pero sana makakuha si Barbie ng isang project na makakapag-angat naman sa kanyang popularidad. Dapat pag-aralan nilang mabuti kung ano nga ba ang ipagagawa nilang kasunod na proyekto ni Barbie. Kung hindi sayang naman iyong bata.                                                                 

Kuhol nadiin sa panlalaplap

Ano ba naman iyan Kuhol? Humingi lang ng pera iyong inaanak mo, ni-lips to lips mo pa. Kaya nagsumbong ang bata sa tatay, isinumbong naman si Kuhol sa pulisya kaya hayun, nakulong pa siya sa Station 5 ng QCPD.

Ang plano naman daw niya, sabi ni Kuhol, sa pisngi lang niya hahalikan iyong bata. Pero umiwas nga raw eh kaya sa lips niya nahalikan. Pero ang akusasyon sa kanya ng mga pulis, “idinuldol mo raw iyang bibig mo doon sa bata eh”.

Mukhang nadidiin si Kuhol, na Phillip Supnet ang pangalan sa tunay na buhay. Kasi binigyan  niya ng sampung piso iyong bata, noong humirit ng dagdag, lumabas pa siya sa kanyang sari-sari store at sinasabi ngang doon niya siniil ng halik ang bata. Nahaharap siya ngayon sa kasong child abuse.

Pero ang tanungan nga ay kung halimbawa raw si Daniel Padilla, o si James Reid ang sumiil ng halik sa batang iyon, magrereklamo kaya siya o matutuwa pa? Maaaring hindi lang siya natuwa dahil isipin mo nga naman, sa dinami-dami ng mga papangarapin niyang maging first kiss, bakit si Kuhol pa?

Ang leksiyon diyan, mag-ingat kahit na sa pagbibiro lamang sa mga bata.

 

 

Show comments