John Lloyd inakusahang walang utang na loob sa mga kinunan ng kayamanan!
Hindi kami naniniwala sa sinasabi diumano ni John Lloyd na nasusulasok na siya sa showbusiness. Maaaring nasabi lang niya iyon dahil sa sitwasyon niya ngayon. Papaano niya sasabihin iyon eh natamo niya ang isang magandang buhay dahil nag-artista siya? Kung ibang trabaho ba ang pinasukan niya, makaka-afford ba siya ng ilang buwan na walang trabaho at panay ang biyahe abroad?
Naniniwala kami na isang araw, maririnig na lang natin na nariyan na ulit si John Lloyd, at gusto na niyang balikan ang kanyang career. Kahit na sabihin mong anong negosyo pa ang gawin niya, hindi siya kikita nang kasing laki ng kinikita niya bilang isang artista, at ngayon na magkakaroon na siya ng pamilya at sarili niyang anak, kailangan pa niya ang showbiz, aminin man niya o hindi.
Nora huhusgahan na kung meron pang fans
Matapos ang ilang panahon din na walang ginawa kung hindi mga pelikulang indie, magbabalik na nga sa telebisyon si Nora Aunor. Ngayon siguro nga maipagmamalaki niya na ang kumuha sa kanya ay isang major network, ang GMA 7. Masusukat natin nang husto kung gaano pa nga kalakas ang suporta ng fans sa kanya.
Noong nagbalik siya makalipas ang ilang taon sa US, medyo may edad na siya at halos wala ring boses dahil sa nangyari sa kanyang operasyon, kinuha naman siya agad ng isang major player din, ang TV5. Ibinigay sa kanya ang lahat ng suporta. Iyong una niyang serye na tumagal nang isang buwang mahigit din ay binigyan ng TV5 ng napakagandang promo. Kung sinasabi man noon na ang TV5 ay may problema pa sa signal, nag-organize pa sila ng “barangay viewing” kung saan naglagay ng malalaking television receivers sa maraming lugar para mapanood ang serye ni Nora. Nanalo pa siya ng award dahil sa seryeng iyon. Napakalakas din ng supporting cast ng serye, at ang mahusay na si Mario O’Hara ang kanyang director.
Pero sa kasamaang palad, nagsimula iyon na mababa ang ratings at kailangang tapusin din dahil hindi tumaas. Pero hindi natapos iyon doon, marami pa ring assignments na ibinigay sa kanya ang TV5, hanggang sa siya mismo ang nagdesisyon na magpahinga sa TV at sinabing gagawa muna siya ng mga pelikulang indie. Ilang taong puro indie ang ginawa niya na wala rin naman.
Simula naman noon, ilang TV projects na rin ang ginawa niya sa GMA 7. Minsan nakuha rin siya ng ABS-CBN, pero marami ang nagsasabing malabo iyon dahil may panahong nagpa-interview pa siya sa isang magazine kung saan binanatan niya ang ABS-CBN.
Ngayon nasa GMA na nga siya. Sigurado namang bibigyan siya ng matinding suporta ng network. Ang kailangan namang patunayan, kung gaano kalakas ang suporta ng kanyang mga fans. May nagsasabi naman na baka suportahan siya ng kanyang mga kasama sa Dating Daan, plus factor iyon.
Direktor naaktuhan ng kalaswaan sa kotse
Nakakahiya. Nahuli raw ng mga barangay tanod si direk, sa loob mismo ng sasakyan niya na may ginagawang kahalayan sa isang bagets. Nakiusap daw si direk na huwag naman siyang i-turn over sa pulis. Nakiusap din siyang huwag nang ilagay iyon sa records ng barangay. Natural noong gabing iyon nalasing lahat ng mga tanod na nakahuli kay direk at sa bagets.
Nakakahiya naman ang ginagawang ganyan ni direk. Alam din ba sa abroad iyan?
- Latest