Sharon at Gabby may dapat pag-aralan sa bagets love team
It’s obvious. Dahil sa pagtanggap ng publiko sa Sharon Cuneta-Gabby Concepcion team up, hindi na nga siguro mapipigil ng sino man, o ng anumang considerations ang muli nilang pagsasama sa pelikula. Hindi rin naman natin maikakaila na kung iyan ay maging isang malaking hit, kagaya ng inaasahan ngayon, tiyak na iyan ay masusundan ng marami pang ibang proyekto.
Kahit nga kasi nagkahiwalay na sila, at hindi na nga magkakabalikan, mukhang nabubuhay pa rin sa ilusyon ang kanilang fans na ano man ang nangyari ay sila pa rin talaga. Kung hindi man sila magkasama sa tunay na buhay, at least maski sa pelikula ay nakikita silang magkasama.
Totoo rin pala na nagkita sila over lunch para pag-usapan kung ano ang mga susunod nilang gagawin. Pero hindi raw naman totoo, ayon mismo kay Sharon, na nang mag-usap sila ay may kasama na silang isang executive ng isang network at isang film company. In short, nag-uusap pa siguro sila ni Gabby kung ano ang masasabing best options para sa kanila. Natural isipin na nila ngayon kung ano ang kanilang kakabigin dahil kung sabihin nga ng ilang kritiko, nilalaro na nila ang “last card”. Kailangan maging matalino sila sa deal na iyan. May mga pagkakataon na rin namang siguro masasabing pareho silang nagkamali na rin sa mga deal nila.
Sinabi rin ni Sharon na open pa ang kanilang options. Ibig sabihin kung may offer, pag-aaralan muna nila talaga.
Ang kontrata ni Gabby sa GMA 7 ay sa telebisyon lamang. Si Sharon naman ay nananatiling walang kontrata sa ABS-CBN. Iyong kanyang contract ay per show lamang na kanyang gagawin, kaya masasabing mas open pa ang kanyang options.
Kung kami talaga ang nasa lugar nila, ipagkakatiwala lang namin ang mga initial projects doon sa alam naming kabisado ang formula sa love team nila. Sad to say, wala na si Danny Zialcita na nagsimula noon. Wala na rin sina Maning Borlaza at Leroy Salvador. Wala na rin iyong mismong utak ng mga plano sa love team na iyan na si Mina Aragon. Pero baka naman may makita silang iba pa na makagagawa ng ginawa sa kanila noong araw para sigurado.
Tito Sen ayaw sa divorce!
Mas kilalang comedian si Senator Tito Sotto, at natatawa pa rin kami sa kanya basta napapanood namin siya sa telebisyon. Pero noong isang araw, hindi kami natawa. Hindi rin naman kasi siya nagpapatawa dahil seryoso siya nang tanungin tungkol sa “divorce bill”.
Sinasabi niyang naniniwala siya na kailangang magkaroon ng amendment sa batas upang mas mapadali ang annulment, pero tutol siya sa divorce. Malaki kasi ang kaibahan. Iyong annulment ay isang deklarasyon na ang kasal ay walang bisa sa simula pa lamang. Iyong divorce, may bisa ang kasal pero pinawalang bisa ng batas.
Kung kami ang tatanungin, iyang kasal o matrimonio, ay isang sakramentong ginawa ng Diyos. Iyan dapat ipailalim lamang sa isang batas na gawa ng tao. Iyong mga nagtutulak niyan ay mga maka-kaliwa. Alam naman natin kung bakit.
Ang Diyos ay hindi mahalaga sa kaisipan ng komunismo. Kaya nga ang simbahan, bagama’t sinasabing kinikilala ang karapatan ng estado na magpairal ng batas, hindi pa rin umaayos sa divorce. Tama si Senador Sotto.
- Latest