Hindi talaga namin maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay pinipilit ng iba na idinawit umano ni Mark Bautista si Piolo Pascual sa kanyang mga inamin sa kanyang libro. Noon pa mang una, hindi pa lumalabas ang libro ni Mark, may mga ganyan na silang sinasabi. Hanggang ngayon ay pinipilit pa rin nila iyan na sa palagay namin ang mga nagsasabi ng ganyan ay hindi bumili, at hindi pa nakakabasa ng libro.
Bumili kami, at may kopya ng librong iyon na sa aming palagay ay hindi naman dapat na naging kontrobersiyal. Walang kontrobersiyal na nakasulat doon. Oo, siguro nga masasabing nakakapanibago dahil may isang personalidad na kagaya ni Mark na umamin ng katotohanan na siya ay isang “silahis”, pero ano mang basa ang gawin namin, wala naman siyang iniugnay na sino mang personalidad sa kanyang sinulat.
May tatlong particular na kasong nabanggit si Mark. Una iyong sinasabi niyang may mas nakatatandang malayong pinsan na nagtangkang pagsamantalahan siya noong bata pa siya. Ikalawa, na nagkaroon siya ng affair sa isang lalaki na inaamin niyang minahal din niya, pero kinalasan niya dahil masyado iyong seloso at nasasakal na siya. Pinagbantaan pa raw siya noon na ilalantad ang kanilang naging relasyon na makakasira sa kanyang career.
Ikatlo, inamin nga niyang nakipag-fling siya sa isang kaibigang artistang lalaki nang tatlong ulit, at iyon nga raw huli ay naging dahilan para ang actor ay kalasan ng kanyang girlfriend.
Ang isa pang nabanggit ni Mark tungkol sa kanyang lovelife ay ang panliligaw daw niya noon kay Sarah Geronimo na hindi rin niya naituloy dahil sa ilang mga bagay.
Maliban doon ay wala na siyang nabanggit. Sa kabuuan ng libro, ni hindi niya nabanggit minsan man ang pangalan ni Piolo Pascual, kaya nagtataka rin kami kung sino nga ba ang nagdadawit sa pangalan ni Piolo. Walang sinulat na ganoon si Mark. Ang nagdadawit kay Piolo ay iyong gumagawa lamang ng mga tsismis.
May rebolusyon at Heneral Mike nagulat sa mga pinagsasabi ni Robin!
Nagulat din ang broadcaster na si Mike Enriquez doon sa sinabi ni Robin Padilla sa isang interview dahil tinawag niyang “heneral” si Secretary Bong Go. Nang tanungin ni Mike kung bakit “heneral”, sinabi ni Robin na si Secretary Bong Go ay isang heneral sa “kanilang rebolusyon”.
Matagal na naming naririnig kay Robin ang sinasabi niyang “Katipunan” at iyang “rebolusyon” pero hindi maliwanag sa amin kung ano nga ba talaga iyan.
Siguro naman iba iyan doon sa sinasabi noong H World na pinamunuan ng kapatid niyang si Royette na nagdeklara ring siya ang “heneral” ng pandaigdig na army ng H World.
Ilang award-giving bodies ginagastusan ng mga gustong manalo?!
Tawa nang tawa ang isang kaibigan namin habang nagkukuwento tungkol sa diumano ay “mga gastos para manalo ng awards”. Kaya ang tanong namin, hindi ba usually ang award giving body ang gumagastos sa pagbibigay nila ng awards? Ano ang sinasabing “gastos para manalo ng award”?
Hindi na namin itinuloy ang usapang iyon, dahil sa totoo lang, tatlong award giving bodies lamang naman ang pinaniniwalaan namin sa showbusiness.
Naniniwala kami dahil alam naming ang mga iyon ang hindi nagkakaroon ng anomalya. Huwag na ninyo kaming tanungin kung anong anomalya ang nalalaman namin sa mga awards na iyan.