Isa si Ruru Madrid sa artists ni direk Maryo J. delos Reyes na nagluluksa sa biglaang pagpanaw ng premyadong director noong Sabado ng gabi.
Ayon sa reports, inatake ang direktor dakong 10 p.m. habang nakikipagsayawan sa party sa isang resort sa Dipolog City. Mabilis na naisugod sa ospital ang direktor pero idineklara siyang dead on arrival.
Ibinahagi ng Kapuso actor ang huling sandali niyang kasama si direk Maryo na nakasaad sa Instagram ng aktor. ‘Yun ang pagkikita nila sa airport noong papuntang Iloilo si Ruru. Niyakap niya ang kanyang mentor at tatay-tatayan sa showbiz at walang hinagap na ‘yun na ang huli nilang pagkikita ng director.
Tuliro at hindi alam ni Ruru ang gagawin ngayong wala na ang director. Malaki kasi ang naging bahagi ni direk Maryo sa career niya pati na rin sa pamilya niya. Hindi man naging expressive sa pagmamahal kay direk Maryo nu’ng nabubuhay pa, ipinarating niya sa IG ang mensahe ng pasasalamat sa ama-amahan.
“Maraming-maraming salamat po Direk. Ikaw ang maituturing kong pangalawang ama kaya napakasakit talaga na maiwan mo bilang anak. Pero iniisip ko baka pagod ka na at sobra sobra na ang naitulong mo sa maraming tao. Mahal na mahal po kita sobra sobra...RIP DREK MARYO J. DE LOS REYES...” bahagi ng mensahe ni Ruru.
Ate Vi nagulantang sa biglang pagkamatay
Nagulantang din si Congressman Vilma Santos-Recto sa balitang pagkamatay ni direk Maryo J. Memorable rin kasi ang pagsasama nila sa mga pelikulang Tagos ng Dugo at Sinungaling Mong Puso.
“Nakakabigla rin news with direk Maryo. I enjoyed the working relationship with him. Sa kanya ako nakaranas ng nag iisang workshop sa buhay ko bilang artista. Sa movie na Tagos ng Dugo...Kasi puro lalaki ang leading man ko at 7 sila.
“Sinungaling Mong Puso ay favorite ko din coz nakakuha ako ng bonus dun sa Regal sa laki ng kinita sa boxoffice.
“It’s been a while since I last saw him but I will definitely miss him kasi napakagaling niyang director at tao!!! Clanish din siya. Mahal niya at halos permanente ang grupo niya sa showbiz. I will miss him. Will pray for the repose of his soul! Thanks Jun,” bahagi ng text sa amin ni Cong. Vilma.
Dagdag pa niya, “Maryo J. de los Reyes is very kind and humble man as a director and person. Great filmmaker!”
Samantala, ngayong araw na ito babalik sa Kongreso si Ate Vi. One week muna siyang nag-leave dahil inatake siya ng vertigo. Sumailalim muna siya sa ilang check-ups at maayus-ayos na ang pakiramdam as of this writing.
Bukod kina Ate Vi at Ruru, ilan pa sa magagaling nating artista na malaki ang tulong na nagawa ni direk Maryo ay sina Nora Aunor, Roderick Paulate, Maricel Soriano, Congressman Yul Servo at iba pa.
Condolences sa naiwan ni direk Maryo.