Ate Vi diretsahang umayaw gumawa ng pelikula

Natatawa na lang kami kapag may nagsasa­bing mayroon silang film offer para kay Congresswoman Vilma Santos, o kaya ay may nangangarap na sana makasama siya sa isang pelikula. Kasi sa nakikita namin ngayon, parang mukhang imposible at the moment bagama’t sinasabi nga ni Ate Vi na gusto rin naman niyang gumawa ng pelikula.

“Kung natatandaan ninyo, nagkaroon ako ng political options eh. Nagsisimula pa lang ako ng last term ko noon as governor noong alukin akong tumakbong vice president, hindi ng isa kung hindi dalawang presidentiables. Pero tinanggihan ko iyon. Ang nasa isip ko noong una, after ng term ko as governor, magpapahinga muna ako. Baka makapag-showbiz muna. May plano akong mag-direk. May plano rin naman akong mag-produce ulit.

“Pero noong malapit na ang eleksiyon, kinausap na naman ako ng partido. Baka raw kailangan tumakbo ako ulit para ma-maintain iyong political balance sa Batangas, at saka marami pang proyektong kailangang tapusin. Nakumbinsi nga akong tumakbo as congresswoman, with the belief na hindi naman ganoon karami ang trabaho. Kasi kailangan lang present ka sa session. May mga bakanteng oras, kaya hindi ba sinasabi ko sa inyo noon, baka makagawa na ako ng pelikula. Pero hindi rin nangyari iyon. Kasi hindi nga daily ang sessions, pero ang dami mo namang kailangang pag-aralan para alam mo kung ano ang pinag-uusapan sa session. Kailangan din ikutin mo ang mga barangay para maging consistent ka na ang sinasabi mo ay hindi opinion mo lang kung hindi kung ano rin ang gusto ng constituents mo.

“Tapos ngayon nagsisimula na sila noong proposal na baguhin ang constitution natin. Iyan ang fundamental law, kaya kailangan ang ingat diyan. Hindi puwede iyong basta ka na lang sunod nang sunod. At lalong kailangang mas pag-aralan iyan. Hindi ko alam kung gaano katagal iyan, kaya lalong hindi ako makasagot doon sa mga film projects.

“I guess kailangan na lang maghintay talaga iyon, kung makapaghihintay nga. Kaya basta may mga film offers, sinasabi ko sa kanila, hindi ko magagawa agad iyan. Baka mas mabuti na ialok muna sa iba para hindi naman sila mabitin. Pero mayroon namang iba na nagsasabing hihintayin nila ako kahit na gaano katagal. Decision nila iyon,” sabi ni Ate Vi.

Hindi ba siya makagagawa ng mga special consideration kagaya noong sinasabi ng iba na sana may makasama siyang ibang artista sa pelikula, at kung maaari ay gawin na iyon?

“Actually, hindi ko alam kung saan nanggaga­ling ang mga ideas na iyan, dahil wala naman akong natatanggap na offer na ganyan. Masakit mang isipin, kung may offer naman, hindi ko rin magagawa dahil sa rami ng trabahong nasa kamay ko ngayon.

“That is one project na kailangang maghintay, kung makakapaghintay pa. Kung hindi naman, maraming ibang artistang maaaring makasama sa pelikula, hindi lang naman ako. Pag-aralan na lang nila iyong commercial viability ng pelikulang gagawin nila. Tingnan ninyo iyong film festival, ang ganda ng kinita. Hindi mo masasabing may krisis sa industriya ng pelikula, kasi ang mga tao naman pala manonood ng sine basta gusto nila ang pelikulang palabas. Kung ang pelikula hindi kumita, maliwanag lang ang ibig sabihin noon, ayaw iyong panoorin ng mga tao. Hindi dahil tanga ang manonood, may choice lang sila kung ano ang gusto nilang panoorin. After all, sila ang boss. Sila ang nagbabayad eh. Hindi tama iyong sinasabing kung ayaw nila sa pelikula, iyon ay dahil tanga na sila. Kung ganoon ang isip mo, huwag ka nang gumawa ng pelikula,” sabi pa ni Ate Vi.

Show comments