Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan. Kung dumarating ang ganitong panahon talaga namang naiisip natin ang magbigay, hindi lamang sa ating mga kaanak at kaibigan, kung di ganoon din sa mga kapuspalad sa ating paligid.
Siguro nga iyon din naman ang naisip nina Liza Soberano at Enrique Gil, nang sinasabing nag-ikot sila sa kung saan-saan para magbigay ng pagkain sa mga street children. Hindi namin alam kung ilan nga ba ang kanilang nabigyan. Nakita lang namin ang maraming pictures ng kanilang pamimigay ng pagkain sa mga street children sa social media. May mga mabilis na nag-comment na iyon daw ay isang “publicity slant”, lalo’t ang naglabas ay ang kanilang management company, pero ayaw naman naming maniwala na ganoon nga.
Hindi lang sina Liza at Enrique ang gumagawa niyan. Maraming mga artistang ganyan din. Minsan tayo rin ay ganyan dahil hindi rin naman natin matiis ang mga namamalimos sa kalye at kumakatok sa mga sasakyan lalo na kung panahon ng Pasko. Pero sinasabi namin ng diretsahan, iyan ay mali at labag sa batas. Mayroon tayong anti-mendicancy law, na nagbabawal ng pagbibigay sa mga taong lansangan. Kasi sa halip na umalis sila sa kalye, na napakadelikado para sa kanila, lalo silang mananatili roon dahil may nagbibigay sa kanila. Ang tamang paraan ay ibigay sa mga ahensiya na ngangasiwa ng pagtulong sa mahihirap, kaso minsan wala tayong tiwala sa mga iyon. Kagaya rin naman noong ibinigay natin para sa biktima ng bagyong Yolanda noon, kanino nga bang bulsa ito napunta?
Ang pinakamabuti, kung kami ang tatanungin, ibigay ninyo iyan sa inyong simbahan. Ilagay lamang sa inyong donasyon na iyan ay para sa mga kapus palad na nangangailangan ng tulong. Maraming mas higit na nangangailangan kaysa sa mga batang naglipana sa kalye, na kadalasan makikita mo pagsapit ng dilim na sumisinghot ng solvent sa mga suluk-sulok ng kalye. Ibigay natin ang ating tulong sa mga higit na nangangailangan.
Paglaya ni Mark Anthony pinagpipiyestahan
Hanga kami sa abugadong humawak sa kaso ni Mark Anthony Fernandez. Nagawa niyang maipa-dismiss ang kaso ng actor matapos ang isang taon, nang mahulihan iyong may dalang isang kilong marijuana sa kanyang sasakyan.
Pero natutuwa naman kami na nakalaya na si Mark, siguro naman nadala na siya sa isang taong pagkakakulong niya.?
Tiyak na marami siyang natutuhan, at gusto naming maniwala na sa kanyang paglabas ngayon ay kasunod na ang kanyang tuluyang pagbabago.
May mga naririnig tayong hindi magagandang remarks tungkol sa paglaya ni Mark, lalo na nga sa mga radio at television commentators. Pero desisyon iyon ng husgado. Bahala ang husgado na magpaliwanag kung papaano sila nakagawa ng ganoong desisyon.
MMFF pinilahan agad
Simula ng Metro Manila Film Festival, at sa first hour pa lang, sinasabi ng mga observers sa mga sinehan na totoong mas kumikita ang mga pelikula sa taong ito. Lalong halata ang bagsak na festival noong nakaraang taon na hapon na, bihira pa ang nanonood. Ngayon, may nakapila na hindi pa man nagbubukas ang mga sinehan.
Pero may mga pelikula ring kawawa, at sa palagay natin mababawasan na iyan ng mga sinehan simula bukas. Umaga pa lang ay may trend na sa takilya ang festival, pero hintayin na natin ang kabuuang resulta ng unang araw.