Masasagot ang lahat ng mga ispekulasyon, pati na kung bakit siya nakunsumi nang todo na umabot sa open letter sa kanyang mga fans pagbabalik ni Maine Mendoza, hopefully sa bagong taon nga. Hindi naman natin maikakaila na may hindi magandang epekto ang tatlong linggo na niyang pagkawala sa show, at pananahimik tungkol sa kanyang ginawa. Kung sa bagay, kaya naman siguro sinabayan niya ng bakasyon para maiwasan na ngang mag-comment tungkol doon, na sinamantala naman ng iba para ibato ang lahat ng issues kay Maine.
Hindi lang namin alam kung sa pagbabalik ni Maine ay haharapin nga niya ang mga issues na iyan, o kung papayuhan siya ng mga handler niya na manahimik na lang na para bang walang nangyaring kahit na ano. Iyon nga lang, pagbabalik niya, hindi na puwede ang mga pa-cute nila ni Alden Richards matapos niyang aminin ang lahat. Magiging trying hard na sila noon.
Dapat nga siguro mai-repackage na ang kanilang love team, kung magpapatuloy pa nga ang AlDub. Kung kami kasi ang tatanungin, kailangan nga siguro na mag-develop na ng mga bagong makakasama nila. Matapos ang revelations ni Maine na hindi pala talagang nanligaw si Alden matapos ang halos dalawang taon nilang pagiging love team, aba eh sabaw na sabaw na nga iyan.
Kung ipa-partner si Maine sa iba, tiyak na aalma na naman ang AlDub fans, pero kung iisipin nila na kailangang magpatuloy ang career ni Maine, at talagang gusto nila iyong suportahan, ano nga ba ang dapat nilang iangal. Hindi naman puwedeng habang panahon na lang ay AlDub. Kailanman sa showbusiness, walang artistang nabuhay sa suporta lamang ng kanyang fans. Kailangan niyang makuha ang suporta ng publiko. Ang mga umaasa lang sa fans, hindi nakaka-maintain ng popularidad at mabilis na nawawala.
Mga artista mas lumakas ang pressure sa social media
Ilang araw nang pinag-uusapan ang pagkamatay ng singer na si Kim Jong-hyun, na siyang lead singer ng K-Pop group na SHINee. Makalipas ang ilang araw, lumabas ang kanyang sulat, na pinaniniwalaang isang suicide note na nagsasabing hindi na niya kaya ang depression at pressure. Tumanggi na ang kanyang pamilya sa isang autopsy, dahil maliwanag namang suicide ang nangyari.
Naalala tuloy namin ang kuwento minsan sa amin. May isang artista na sinabon at minura-mura ng kanyang manager, at ang dahilan ay dahil diumano sa pakikipagrelasyon noon sa isa pang artistang lalaki, bakla ang male star. Sinabi sa kanya ng manager niya, kasabay ang mga mura, na wala nang pupuntahan ang kanyang career. Kinabukasan, nakita na lang siyang patay na.
Si Julia Buencamino na mahusay pa namang aktres kagaya ng kanyang mga magulang ay nag-suicide rin nang hindi na makayanan ang depression.
Nakakalungkot isipin, pero kung minsan talagang malupit ang stardom. Nakapagdudulot iyan nang matinding pressure at depression. Marami ng mga artista na nag-ala Marilyn Monroe dahil diyan.
Aywan nga ba, pero siguro mas magiging maganda ang buhay kung walang masyadong pressure. Iyang mga artista kasi, may image na kailangang pangalagaan, at kadalasan iyon ang nagdudulot ng pressure at depression sa kanila. May mga nauuwi nga sa hindi maganda.
Sa ngayon, ang matinding pressure ay nagsisimula sa social media. Kasi kabi-kabila na ang mga bashers ng mga artista. Kawawa rin naman ang mga artista kung mababasa ninyo kung papaano silang siraan at i-bash sa social media. May pag-asa pa kayang matigil ang ganyang sistema?